Altas dumiretso sa 53
MANILA, Philippines - Nakitaan ng tibay ng dibdib ang five-peat champion Perpetual Help Altas para maigupo ang matinding laro na ipinakita ng St. Benilde Blazers, 12-25, 25-18, 25-23, 12-25, 17-15, sa 90th NCAA volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Rey Taneo, Neil Barry Ytorzaita at Benjomar Castel ay may 13, 10 at 10 hits para pangunahan ang Altas na napagtagumpayan na palawigin sa 53 ang pagpapanalo na nagsimula noon pang 2010.
Ito rin ang ikaanim na sunod na panalo sa season at nangyari ito kahit hinawakan ng Blazers ang 67-53 kalamangan sa attack points at 11-5 bentahe sa blocks.
Ngunit may 31 errors ang Blazers para masayang ang 25 kills ni Johnvic De Guzman.
Tinapos din ng nagdedepensang kampeon sa kababaihan na Lady Altas ang apat na sunod na panalo ng Lady Blazers sa dikitan ding 25-20, 30-28, 25-23, panalo.
Kinapitalisa rin ng Lady Altas ang 28 errors sa laro ng Lady Blazers para kunin ang ikalimang panalo matapos ang anim na laro.
Tig-11 hits ang ginawa nina Jamela Suyat at Ma. Lourdes Clemente at sila ay nagsanib sa 17 kills para makapantay ang produksyon ng St. Benilde sa naturang departamento.
Nanaig din ang Lyceum Lady Pirates sa Letran Lady Knights, 27-25, 25-20, 25-22, sa isa pang laro sa women’s division.
- Latest