Aces kakatok sa semis vs Kings
MANILA, Philippines - Lalo pang palalakasin ng Alaska ang kanilang tsansa sa isa sa dalawang automatic semifinals berth, habang patitibayin ng Barangay Ginebra ang kanilang pag-asa sa ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals.
Lalabanan ng Aces ang Gin Kings ngayong alas-7 ng gabi matapos ang salpukan ng Barako Bull at NLEX sa alas-4:15 ng hapon sa 2014-2015 PBA Philippine Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magkasalo sa liderato ang Alaska at ang San Miguel sa magkatulad nilang 8-1 record kasunod ang Rain or Shine (7-2), Talk ‘N Text (6-3), Ginebra (5-4), nagdedepensang Purefoods (5-4), Globalport (5-5), Meralco (4-5), Barako Bull (3-6), NLEX (3-6), Kia (1-8) at sibak nang Blackwater (0-10).
Nanggaling ang Aces sa come-from-behind 90-84 win laban sa Road Warriors noong nakaraang Biyernes, habang nakalasap ang Gin Kings ng 77-98 kabiguan sa Batang Pier noong Linggo.
Sa tournament format, ang Top Two teams ang awtomatikong aabante sa Final Four at ang mga uupo sa No. 3, 4, 5 at 6 ang magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ advantage laban sa No. 7, 8, 9 at 10 sa quarterfinals.
Muling aasahan ni coach Alex Compton para sa Alaska sina Cyrus Baguio, JVee Casio, Calvin Abueva, Dondon Hontiveros, Sonny Thoss at Vic Manuel katapat sina Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand, LA Tenorio, Japeth Aguilar at seven-foot center Greg Slaughter ng Gin Kings ni Jeff Cariaso.
Kasalukuyang nasa three-game losing skid ang Ginebra.
Sa unang laro, pag-aagawan ng Energy at ng Road Warriors ang No. 8 ticket bago matapos ang single-round eliminations.
Kukumpletuhin ng NLEX ang Last Eight kung tatalunin nila ang Barako Bull.
- Latest