Ingat sa mga kawatan
Simula pa kahapon isinailalim na sa full alert status ang PNP kaugnay ng Undas.
Tatagal ito hanggang Nobyembre 3.
Nasa 41,600 PNP personnel ang ikakalat sa buong bansa para mangalaga sa peace and order partikular na marahil sa paligid ng mga sementeryo na dadagsain ng maraming tao.
Ngayon pa lamang pihadong mararanasan ang masikip na mga lansangan dahil sa sabay-sabay na uwian sa mga lalawigan ng ating mga kababayan.
Sa mga terminal, paliparan at pantalan pa lamang, dapat maging mahigpit na ang mga kinauukulan sa pagbibigay seguridad sa mga magbibiyahe.
Malamang na dyan pa lamang magsisimula nang sumalakay na ang mga kawatan na magsasamantala na naman sa okasyon.
Paulit-ulit ang Responde sa pagpapaalala sa ating mga kababayan na bibiyahe. Ingatan ang inyong mga gamit , nagkalat dyan ang salisi.
Dapat ding mabusisi na maigi ang mga driver at isailalim sa breath analyzer bago payagang pabiyahihin para matiyak na hindi nakainom o naka-droga ang mga ito, para na rin sa kaligtasan ng mga pasahero.
Sa sementeryo, nagkalat din dyan ang mga kawatan.
Sabi ng PNP, mag-ingat daw sa mga pekeng pari, na nag-aalok daw ng bendisyon at saka sisingil.
Gaya rin ng paalala natin, ingatan din ang iiwang mga tahanan laban sa mga ‘akyat-bahay’.
Sa dami ng ikakalat na pulisya, maging sa Metro Manila makita sana ang pagroronda ng mga ito, para kahit papaano ay mapigilan ang mga kawatan sa kanilang operasyon.
Hindi lang ngayon Undas kailangang maisagawa ang ibayong pag-iingat, kundi sa pagpasok na ito ng holiday seasons na talaga namang doble aktibo ng mga masasamang loob.
Kaya ang alerto ng pulisya hindi dapat sa Undas matapos o sa anumang okasyon, kailangan sa lahat ng oras at panahon.
- Latest