‘Lideratong ‘di daw dapat husgahan’
HINDI pwedeng maging organisasyon ang isang organisasyon kung walang lider o namumuno.
Tulad nang tinalakay ko sa aking programang BITAG Live at nabanggit sa kolum kong ito nitong mga nakaraang araw. Ang lider ang siyang magdadala ng organisasyon base sa mga itinalaga niyang panukat at pamantayan.
Mayroon siyang mataas na integridad. Tinitingala ng kaniyang mga pinamumunuan dahil sa mga tama niyang gawain. Subalit, hindi pinagduduldulan ang kaniyang pagiging lider.
Sa kaliwa’t kanang mga batikos at kontrobersiya na ipinupukol kay Philippine National Police Chief Alan Purisima, naglabas ng pahayag ang Palasyo nitong mga nakaraang araw.
Ayon sa tagapagsalita na si Sec. Edwin Lacierda, huwag daw huhusgahan ang PNP base sa liderato at performance ni Purisima.
Ang dapat daw gawing basehan at tingnan ng publiko at ng media ay ‘yung performance o mga gawain ng bawat isang pulis.
Nakalimutan yata ng kalihim na ang isang lider, mayroong pananagutan sa kaniyang mga pinamumunuan.
Inilagay siya sa kaniyang pwesto dahil sa tiwala at integridad base doon sa kaniyang mga sinasabi, pinaggagawa at resulta ng kaniyang mga pinaggagawa.
Maliban nalang kung talagang “paborito” siya at “KKK” ng kung sinumang “patron” na naglagay sa kaniya dyan.
Na kahit wala ang mga katangian ng isang lider, binigyan pa rin ng reward o gantimpala.
Sa pahayag na ‘yun ni Sec. Lacierda, para na rin niyang sinabing, walang kwenta ang PNP chief at dapat tanggalin nalang siya bilang pinuno ng ahensya.
Naniniwala ang BITAG Live na lahat ng inuupong lider sa anumang grupo, organisasyon o ahensya, importante at mahalaga ang papel na ginagampanan.
Bilang isang pinuno, siya ang magbibigay ng inspirasyon sa kaniyang mga nasasakupan. Siya ay tapat, mataas ang integridad, mataas ang kumpyansa base sa kaniyang mga kaalaman, may dedikasyon sa trabaho, hindi sakim at makasarili, tapat at “marunong” magsalita.
Kapag ang isang “lider” wala ang mga katangian at pamantayan tulad ng mga nabanggit sa itaas, wala siyang karapatang tawaging lider o walang karapatang mamuno.
Ang problema sa bansa natin, pakapalan nalang ng mukha at sobra na ang manhid dahil sa kanilang mga kasakiman.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest