‘In memory of Yolanda’ Nob. 8 pinadedeklarang National Day of Rising
MANILA, Philippines - Nais ipadeklara ni Oriental Mindoro Rep. Paulino Salvador Leachon ang Nobyembre 8 kada taon bilang National Day of Rising para sa paggunita ng lupit na dinanas ng bansa sa Super Typhoon Yolanda.
Sa House Bill 4981, sinabi ni Leachon na ang Yolanda ang worst na bagyong tumama sa bansa na kumitil sa buhay ng mahigit 6,000 katao, sumugat sa halos 29,000 na iba pa at nagdulot ng 36.69 bilyong piso na sira sa imprastraktura at agrikultura.
Layunin din ng panukala na sa pamamagitan ng day of rising ay bubuhayin ang bayanihan spirit ng mga Pinoy sa pangangalaga sa kalikasan bilang proteksyon sa ganitong mga kalamidad.
Magiging sentro ng aktibidad sa Day of Rising tuwing Nobyembre 8 ang programa sa pagtatanim ng puno sa pangunguna ng mga ahensiya ng national government.
Umaasa naman si Leachon na maihahabol ang pagpapatibay ng kanyang panukala bago ang unang anibersaryo ng hagupit ng bagyong Yolanda sa Nobyembre 8.
- Latest