Cayetano: Binay dummy supplier ng ‘overpriced’ beds sa OsMak
MANILA, Philippines - Ang dummy umano ni Vice President Jejomar Binay na binabanggit sa imbestigasyon ng Senado sa “overpriced” na parking building ng Makati City hall ang siya ring supplier sa “overpriced” na hospital beds para sa Ospital ng Makati (OsMak) may 10 taon na ang nakakaraan.
Ito ang lumitaw sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado nang mabanggit ang pangalan ng naturang dummy umano ni Binay na si Antonio Tiu.
Sinabi naman ni Senate Majority Floorleader Alan Peter Cayetano na, kung mapapatunayan ang kuneksyon dito na malayo sa nagkataon lamang, maraming paliwanag at pangkalahatang pagtanggi ang kailangang isagawa ni Binay at ng “dummy” nito sa P1.2 bilyong Batangas estate.
“Nagkataon lang ba ito? Klarong-klaro na ang link ni Mr. Antonio Tiu sa pamilyang Binay. Matagal na sila. Paano pa ito ipapaliwanag ng Bise Presidente at ng kanyang mga tagapagsalita?” tanong ni Cayetano.
Sa testimonya ni Commission on Audit (COA) Commissioner Heidi Mendoza sa Blue Ribbon sub-committee na ilan sa medical equipment na binili ng pamahalaang lokal ng Makati para sa OsMak noong 2000 at 2001 ay merong overprice na mahigit P61 milyon. Alkalde nang panahong iyon ng lunsod si Dra. Elenita Binay na misis ng Bise Presidente at ina ng kasalukuyang alkalde ng lunsod na si Mayor JunJun Binay.
Ayon kay Mendoza, kabilang sa overpriced ang mga hospital bed na binili ng pamahalaang Makati sa Mabuhay 2000 Enterprise na kilala ngayon bilang AgriNurture Inc. na ang CEO ay si Tiu.
Sabi ni Mendoza, ang 172 regular hospital beds ay overpriced ng halos P24 million, ICU beds ay overpriced ng tig-P510,876.24 bawat isa, at orthopedics beds ay overpriced ng P455,912.64 per unit.
“Ayon sa COA report ni Commissioner Mendoza, inamin ni Mr. Tiu na ito ang nagsuplay ng mga kama sa OsMak. Paano kaya naging isang line of business ang agri-tourism at pagsupply ng kama?” tanong pa ni Cayetano.
- Latest