3 ‘tirador’ sa tulay, timbog
MANILA, Philippines – Timbog ang tatlong robbery holdup suspect na nambibiktima ng mga commuters sa footbridge sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa magkahiwalay na insidente sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director, Chief Supt Richard A. Albano, ang mga suspek na sina Dante Santos, 23; Jason Ventura, 23; at Benzon Vega, 21.
Unang nadakip sina Santos at Ventura ganap na alas-10:30 ng gabi ilang segundo makaraang holdapin ang isang Jenny Pumaren, 31, gamit ang patalim.
Naglalakad si Pumaren sa Ever Gotesco footbridge sa kahabaan ng Commonwealth Avenue nang lapitan ito ng mga suspek at holdapin.
Kasunod nito ay tinangay ng dalawa ang cellphone ng biktima saka tumakas. Agad namang humingi ng tulong ang biktima sa mga nagpapatrulyang tropa ng PS-6 at nadakip ang mga suspek.
Narekober din sa mga suspek ang cellphone ng biktima at patalim na ginamit ng mga ito.
Samantala, nadakip naman si Vega nang magkamali ito sa pambibiktima sa pulis na si PO1 Richard Anthony, ganap na alas-8 ng gabi, habang nasa footbridge rin ng Commonwealth Avenue.
Diumano, kasama ni Vega ang isa pang lalaki at sikretong dinukot nito ang cellphone ng pulis, subalit nakatunog ang huli at inaresto ang una, habang nakatakas naman ang kasama nito.
- Latest