EDITORYAL - Apat na araw na pasok sa gobyerno
TAMA lamang ang naisip ng Civil Service Commission na gawing apat na araw na lamang ang pasok ng government employees sa Metro Manila. Ito raw ang tamang paraan para masolusyunan ang lumulubhang trapik sa Metro Manila. Nilinaw ni CSC Chairman Francisco Duque na papasok sa tanggapan 8:00 ng umaga at uuwi ng 7:00 ng gabi ang mga empleado. Nakasaad sa resolusyon ng CSC na mula Lunes hanggang Huwebes ang pasok ng mga empleado o di kaya’y Martes hanggang Biyernes. Ayon sa CSC, ititigil nila ang implementasyon nito kapag hindi naging epektibo. Pag-aaralan daw nilang mabuti kung talagang nakakatulong ito sa pagpapaluwag ng trapik sa Metro Manila.
Ang mabigat na trapik ang naging batayan ng CSC para ipatupad ang apat na araw na pasok. Natuwa naman ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa ginawa ng CSC. Natitiyak daw ng MMDA na malaki ang magagawa sa trapiko ng apat na araw na pasok. Mababawasan ang mga pasahero at ang resulta, walang trapik. Mararanasan ng mga motorista sa buong buhay nila na makatikim ng isang araw na hindi maiipit sa trapik, particular sa EDSA, Espana Blvd., Roxas Blvd. at Taft Avenue.
Sa aming paniwala, hindi lamang ang trapik ang masosolb ng resolusyon kundi malaki rin ang maitutulong nito para makatipid ang bansa. Kung apat na araw ang pasok, makakatipid sa kuryente at tubig ang bawat tanggapan. Makakatipid din sa pag-hire ng mga guwardiya dahil walang babantayang tanggapan sa ika-limang araw.
Tama lang na apat na araw ang trabaho ng government employees sapagkat may mga tanggapan na halos walang ginagawa ang mga empleado habang nasa opisina. Marami sa kanila ang nagkukuwentuhan lang at nagpapatay ng oras. Mayroong halos naghihintay lang ng lunch break at meryenda gayung wala pa namang natatrabaho. Nalulugi tuloy ang gobyerno.
Dapat lang ang apat na araw na pasok sa tanggapan ng gobyerno. Ituluy-tuloy na ang magandang planong ito. Malaki ang maitutulong nito sa bansa.
- Latest