Magtiis na muna tayong lahat
NAGMISTULANG ilog muli ang ilang bahagi ng Metro Manila na kilala na para sa paglubog sa baha sa tuwing malakas ang buhos ng ulan. Nakita muli natin ang mga tahanang lubog hanggang sa ikalawang palapag, mga residenteng nasa kanilang mga bubong, mga sasakyan na naging submarine, at imbis na sasakyan ang makikita mo, mga bangka o gawa-gawang bangka ang bumabaybay ng mga dating kalsada, kasama na rito ang mga rescue teams ng bawat barangay at siyudad.
Nagsimula ang ulan ng Huwebes ng hatinggabi, kaya tila hindi pinansin muli ng gobyerno. Ito ang dahilan kung bakit may mga mag-aaral na pumasok pa rin sa kanilang mga paaralan, dahil walang maagang anunsyo na kanselado na ang klase. Ayon sa NDRRMC, lima ang nasawi na may kinalaman sa bagyong “Mario”. Isa rito ay estudyante umano ng UST, na nakuryente malapit sa unibersidad. Naglakad sa baha at biglang nakuryente na lang dahil may putol na kable sigurong nalaglag sa tubig. Kawawa naman. Kung alam niya na kanselado na ang pasok, hindi na sana lumabas pa.
Humihingi ng paumanhin ang DPWH, dahil magkakaroon pa rin daw ng pagbaha sa Metro Manila at mga karatig na lugar hangga’t hindi pa natatapos ang lahat ng kasalukuyang proyekto na panlaban sa baha. Kasalukuyang tinatanggal ng DPWH ang mga baradong daluyan ng tubig-ulan, pagbago ng pumping stations pati na rin ng paglinis ng mga kanal at estero sa siyudad. Hindi pa masabi kung kailan matatapos ang lahat ng proyekto, pero ayon sa DPWH ay higit kalahati ng mga proyekto ang natapos na.
Pero tila hindi naramdaman iyan ng mga binaha noong Biyernes. Ayon sa mayor ng Cainta, ito na ang pinakamasamang pagbabaha mula noong Ondoy. Hindi ko alam kung tapos na ang mga proyekto sa kanyang lungsod, pero sa nakita natin noong Biyernes, mukhang hindi pa nga. Magdasal na lang tayo at hindi maulit ang pagbaha tulad noong Biyernes. Tila sa bawat taon ay may nagaganap na ganyang matinding pagbaha sa Metro Manila. Sabi nga ng isang kaibigan kong taga Bangladesh, sa kanilang bansa raw ay hindi lahat ng tao ay may kotse, pero lahat ng bahay ay mga bangka at madalas ding binaha ang Bangladesh. Dapat siguro ganito na rin ang gawin ng mga residenteng nakatira sa mga lugar na kilalang nagbabaha. Kung magkakaroon pa rin daw ng pagbaha ayon sa DPWH, tiyak na hindi ito ang huling delubyo na mararanasan ng Metro Manila. Magtiis na muna tayong lahat.
- Latest