Kring-Kring ipakikita ang ilang natirang alaala sa nasirang bahay sa Tacloban
MANILA, Philippines - Ngayong Miyerkules sa Powerhouse, samahan si Kara David na silipin ang buhay at bahay ni Cristina Gonzales.
Una siyang nakilala bilang singer na si Kring-Kring Gonzales, kalaunan ay pinasok niya ang pagpapaseksi. Nang makilala ang asawang si Alfred Romualdez ay nanirahan sila sa Tacloban, Leyte. Tuluyan nang iniwan ni Cristina ang showbiz pero may bagong mundo naman siyang pinasok. 2007 nang tumakbo at nanalo sa eleksyon si Cristina bilang konsehal samantalang mayor naman ang kanyang asawa.
Ang bahay ng mag-asawang Romualdez sa isang exclusive subdivision sa Makati ang kanilang pangalawang tahanan. Dito sila umuuwi kapag lumuluwas mula sa Tacloban. Dekada 70 nang mabili ang bahay na ito ng biyenan ni Cristina. Binata pa lamang ang kanyang asawa ay dito na ito nakatira. Country at minimalist ang tema ng buong bahay.
Isang kakaibang istilo ang kapansin-pansin sa tahanan ng mga Romualdez at ito ay ang disenyong paikot ng bahay. Magkakarugtong ang mga silid nito sa pamamagitan lang ng mga pintuan.
Sa bahay, makikita ang kaunting alaala na naisalba nina Cristina mula sa pananalasa ng bagyong Yolanda sa kanilang bahay sa Tacloban.
Ikukwento rin ni Cristina kung paano sila binago ng trahedya at ang muli nilang pagbangon. Huwag palalampasin ang Powerhouse ngayong Miyerkules alas-kwatro ng hapon sa GMA 7.
- Latest