P150K halaga ng shabu nasabat sa Laguna
MANILA, Philippines – Timbog ang dalawang lalaki matapos mabawian ng ilegal na droga sa Laguna, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kinilala ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. ngayong Martes ang mga suspek na sina Arnel Elbo, 42, at Binsar Salem, 30.
Nasakote ang dalawa matapos pagbentahan ang isang undercover agent ng PDEA nitong Setyembre 3 sa loob ng isang fast food chain sa Sta. Cruz, Laguna.
Tinatayang aabot sa P150,000 ang halaga ng nakumpiskang shabu na may timbang na 50 gramo.
Nakuha pa sa mga suspek ang dalawang cellularphones at P500 na marked money.
Nakakulong sina Elbo at Salem sa PDEA RO4A, habang dinala naman sa laboratoryo ng PDEA ang mga nakumpiskang ilegal na droga.
- Latest