‘Modus ng mga package forwarder’
SA ganitong mga panahon, kung saan “ber” months na at papalapit na ang kapaskuhan, nakaugalian na ng marami nating kababayang overseas Filipino worker (OFW) ang magpadala sa kanilang mga pamilya at mahal sa buhay.
Karton-kartong mga padala ang nagsisidatingan sa mga airport at pantalan sa pamamagitan ng mga freight forwarder o mga kumpanyang nagba-byahe ng mga bagahe mula sa iba’t ibang bansa.
Subalit, doble ingat, marami kasi ang mga naitatalang insidente ng walaan o di naman kaya mga package na sinasadya talagang nakawan at buksan.
Ang masaklap pa, kadalasan, hindi na ito naibabalik at wala na talagang tsansa pang maibalik sa pobreng nagpadala o sa pinagpadalhan ng bagahe.
Bagamat maituturing all year round o walang pinipiling panahon ang modus na ito ng mga freight forwarder, tumataas ang estatistika ng walaan ng mga package tuwing “ber” months.
Alam kasi ng mga utak-kriminal at malilikot na mga kamay na nagta-trabaho sa mga forwarder na marami silang maaaring “makahoy” mula sa mga malalaking karton na hindi naman para sa kanila.
Hindi na ito bago sa BITAG. Gasgas na ang modus na ito. Subalit marami pa rin ang mga nabibiktima.
Kaya All Points Bulletin ng BITAG sa mga OFW, kilalanin munang maigi ang mga forwarder na inyong pagpapadalhan. Abisuhan din agad ang inyong mga kamag-anak at idetalye ang laman ng inyong mga package upang hindi kayo madugasan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest