STL
DAPAT aksiyunan ni Batangas Gov. Vilma Santos ang sandamakmak na jueteng operations sa kanyang probinsiya na ang gamit na front ay ang Small Town Lottery (STL) operation. At ang masama niyan, marami sa mga barangay chairman sa Batangas ang nagpapa-bookies ng STL. Sa pagkaalam ko, ang franchiser ng STL sa Batangas ay si Cesar Reyes, ang may-ari ng Batangas Enhance Technology System (BETS). Tinitiyak ng mga suki ko na kakutsaba si Reyes sa pa-bookies ng STL dahil hindi man lang siya naulinigan na nagreklamo laban dito. Sa pa-bookies kasi mga suki, ang halos kalahati ng kubransa ay inilagak sa jueteng.
Kaya ang natatalo rito ay gobyerno dahil walang tax ang jueteng. At sa ganitong sistema, magiging kokonti ang share ng pulisya at iba pang nakikinabang sa STL. Ewan ko ba kung bakit patuloy pa ang operation ng STL e maliwanag pa sa sikat ng araw na “front” lang ito ng jueteng, ayon sa PNP. Paging DILG Sec. Mar Roxas Sir? Ano na ang nangyari sa “no take” policy mo sa jueteng at nalusaw na parang bula? Hehehe! Baka sa jueteng kukuha ng war chest si Sec. Roxas” Ano sa tingin n’yo mga suki? Puwede, di ba?
Hindi lang pa-bookies ng STL ang naglilipana sa Batangas kundi maging ang mga pergalan. Kung bakit hindi makakilos laban dito si Batangas provincial director Sr. Supt. Jireh Omega Fidel ay hindi ko alam? Si Ate Vi kaya kayang ipasara ang mga pergalan? Para sa kaalaman ni Ate Vi ang pergalan ni Tita ay matatagpuan sa Lemery; kay Glenda naman ang sa Bgy. Banaba sa Padre Garcia; kay Carling sa Bgy. San Miguel sa Padre Garcia din; kay Liza sa Bgy. Magape sa Balete; kay Denden sa San Nicolas, at sa Bgy. Niugan sa Balayan; kay Olive sa Lobo; kay Yolly sa Bgy. Caloocan sa Talisay, at ke Eric sa Bgy. Tibig sa Lipa City. Hehehe!
Sa tingin ng mga suki ko mataas ang crime rate sa Batangas dahil sa naglilipanang pergalan at pa-bookies ng STL! Hindi lang si Fidel ang nakikinabang sa laganap na pasugalan sa Batangas kundi maging ang hepe ng pulisya ng mga bayan at siyudad kung saan sila nag-ooperate. At higit sa lahat, ang mga mayors at barangay chairman ay malaki rin ang pakinabang. Sa kaso kasi ng pergalan ang binabayaran lang nila ay ang amusement tax samantalang sa STL naman ay ang gobyerno o PCSO ang nagpapatakbo sa kanila. Pero ang maliwanag mga suki, puro may daya na itong laban sa color games at drop ball sa pergalan at sa pa-bookies ng STL. Hindi lang nilalansi nila ang gobyerno kundi ninanakawan pa ng tax. Si Ate Vi kaya may pakinabang sa pergalan at pa-bookies ng STL? Abangan!
- Latest