Sugpuin ang mga cartel
GAANO ba talaga kahirap hanapin ang sanhi ng pagtaas ng presyo ng bawang? Ayon sa ginawang imbestigasyon ng Department of Justice sa napakalaking pagtaas ng presyo ng bawang itong taon, sabwatan ng cartel at ilang opisyal ng gobyerno ang sanhi ng pagtaas ng presyo. Wala naman pagkukulang sa bawang at napakarami naman. Ginawan lamang ng paraan para magmukhang bumaba nang husto ang suplay at maitaas ang presyo.
Ayon kay DOJ Sec. Leila de Lima, karamihan ng mga permits na ibinigay ng gobyerno para mag-angkat ng bawang ay pumunta sa isang grupo ng mga negosyante lamang, kaya na-kontrol nila ang pagpasok ng imported na bawang sa bansa. Simpleng “law of supply and demand” ang naganap, kung saan mataas ang demanda para sa bawang at tila lahat ng lutong Pilipino ay gumagamit ng bawang, habang mababa ang suplay. Kaya nasa kapangyarihan nila ang magtaas ng presyo.
Pero bakit may mga cartel na nakakapag-negosyo pa sa bansa? Ganito ba sila kalakas at hindi takot sa gobyerno, o dahil may mga kasabwat ngang opisyal o ahensiya ng gobyerno? Ganito rin ang hinala ng marami sa presyo ng gasolina, na kontrolado rin daw ng cartel. Hindi magtatagal may cartel na rin sa manok, baka, baboy, bigas at iba pang mga pangunahing pangangaila-ngan ng bawat Pilipino.
Walang pinagkaiba ang cartel sa organized crime. May mga patakaran ang gobyerno hinggil sa pag-kontrol ng mga presyo ng bilihin. Pero sa laban na ito, tila laging angat ang mga cartel. Dumadami na ang ating populasyon. Nasa 100 milyong mamamayan na ang Pilipinas. Lahat ay kailangang kumain nang sapat para mabuhay. Kaya malaking kahalagahan ang food security ng bansa. Hindi tayo pwedeng maging bihag ng iilang negosyante na ang hangarin lamang ay magpayaman nang husto habang marami ang nagugutom. Dapat may mga bagong paraan para maging transparent ang pag-angkat ng mga bilihin, lalo na ang pagkain, para makitang hinid na mamaniobra ang presyo kung kailan lang nila gusto. Ilang ahensiya ang dapat makipag-ugnayan, o kaya isang ahensiya lang na pinamumunuan ng isang magaling na pinuno. Panahon na para sugpuin ang mga kriminal na cartel na ito.
- Latest