Lider ng NPA, 6 pa utas sa encounter
MANILA, Philippines - Pitong rebeldeng New People’s Army kabilang na ang lider ng grupo ang napaslang makaraang makasagupa ng tropa ng Philippine Army sa liblib na bahagi ng Barangay Guinguinabang, bayan ng Lacub, Abra kahapon ng umaga.
Kinilala ni Major Emmanuel Garcia, chief ng 1st Civil Military Operations Group ng AFP-Northern Luzon Command ang napatay na lider ng NPA na si Arnold “Ka Mando”Jaramillo, secretary ng Abra Political Committee.
Sa pahayag ni Major Calixto Cadano Jr., spokesman ng Army’s 5th Infantry Division na rumesponde ang mga sundalo matapos makatanggap ng impormasyon na nangha-harass ang mga armadong rebelde na nangongotong ng mga alagang hayop at pera sa mga residente.
Kaagad na sumiklab ang madugong bakbak sa pagitan ng mga tropa ng Army’s 41st Infantry Battalion at ng mga rebelde kung saan tumagal ng 20-minuto.
Mabilis na nagsitakas ang mga rebelde na inabandona ang bangkay ng limang NPA kabilang na ang kanilang pinuno.
Wala namang nasugatan sa panig ng tropa ng mga sundalo habang nakarekober ng sampung matataas na kalibre ng armas na gamit ng mga rebeldeng nakasagupa ng militar.
Pinaniniwalaang marami ang sugatan sa mga nagsitakas na rebelde base sa mga patak ng dugo na nakita sa encounter site na dinaanan ng NPA sa pagtakas.
- Latest