Bulldogs nilapa ang Falcons durog!
MANILA, Philippines - Kinawawa ng Natio-nal University Bulldogs ang nangungulelat na Adamson Falcons nang ikasa ang 62-25 panalo para masolo ang liderato sa 77th UAAP men’s basketball kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Pinahintulutan ng Bulldogs ang Falcons sa 16 percent shooting (9-of-57) lamang sa 40-minutong labanan at ito ang kabuuang iskor ng tropa ni coach Kenneth Duremdes ang pinakamasama sa liga mula noong 2003.
Pinawi agad ni NU coach Eric Altamirano ang dominanteng panalo na kanilang ikaapat sa limang laro.
“We’re not thinking about the score. It’s about how we play that matters,” wika ni Altamirano.
Ikaapat na pagkatalo ang nairehistro ng Falcons at nagkaroon lamang sila ng tatlong puntos sa first period at 11 sa second period para maiwanan ng 29 puntos sa halftime, 40-11.
Ang off-the-bench player na si Celedonio Trollano ay mayroong pitong puntos para sa Adamson na humugot lamang ng anim na puntos sa kanilang starters.
Sina Rodolfo Alejandro, Angelo Alolino at Jeth Rosario ay may 13, 10 at 10 puntos para sa nanalong koponan.
Bago ito ay kinuha ng FEU Tamaraws ang ikalawang sunod na panalo at 3-1 sa kabuuan sa 73-63 panalo sa host UE Red Warriors.
Ang mga malalaking manlalaro na sina Mark Belo at Anthony Hargrove ay tumapos bitbit ang 21 at 14 puntos, ang huli ay may 12 boards pa, para manaig sa tagisan nila laban sa mga Warriors imports Moustapha Arafat at Charles Mammie na may pinagsamang 13 puntos.
Si Mike Tolomia ay may 13 puntos pa para manaig sa tagisan nila ni Roi Sumang na tumapos taglay ang pitong puntos na ginawa lahat sa huling yugto. (AT)
- Latest