^

PSN Opinyon

‘Mga bato sa langit’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

“Dinuro at minura niya kami, umalis siya at bumalik na may dalang samurai at handang tagain kaming lahat tapos kami ang palalabasin niyang masama,” mariing sinabi ni Noel.

Hirap mang magsalita si Noel Ong, 44, dahil sa kanyang kapansanang kung tawagin ay bingot (Cleft Palate), detalyado niyang ikinwento sa amin ang lahat ng pangyayari ng umano’y pang-aamok ng kapitbahay.

Tahimik ang gabi ng Abril 13 taong 2014 sa tahanan nila Noel, sa Almanza Dos, Las Piñas City nang magulo ang lahat ng isang nagwawalang lalaki sa labas ng kanilang bakuran.

Lumabas si Noel upang imbestigahan kung saan nanggagaling ang ingay. Nakita niya si Romano Palisoc Sr., 45 na galit na galit.

“Hinamon niya ako ng away pero di ko pinansin,” wika ni Noel.

Sinundan naman ng kanyang pamangkin na si Maricel Gaite si Noel.

“Nung nakita ni Romano si Maricel, dinuro at minura niya ito,” ayon kay Noel.

Sinubukan niyang awatin si Romano Sr. ngunit hindi ito nagpapigil. Sa halip, lumabas pa ang kamag-anak nito at nakisali sa gulo.

“Nagulat ako kasi wala naman kaming alitan ng mga yan, pag nalalasing lang si Romano Sr., talagang nagwawala,” kwento ni Noel.

Pumulot umano ng malaking bato ang manugang  ni Romano na si Jodel Belanguio at akmang ipupukpok kay Maricel.

“Lumabas ang bayaw kong si David at nagpambuno sila ni Jodel hanggang sa nabitiwan niya yung bato,”  ayon kay Noel.

Matapos yon, umalis itong si Jodel. Inakala nilang tapos na ang lahat. Nang bumalik ito may dala diumanong butcher’s knife. Nagpumilit pa raw itong makapasok sa bakuran nila Noel at pinapalabas si David.

Nang walang pumatol sa paghahamon ni Jodel umalis na lang ito. Nagkaroon ng panahon si Noel na magsadya sa barangay para magreklamo.

“Nakailang balik ako sa Barangay, pero hindi sila rumesponde, hintayin na lang daw yung mga pulis. Pagpunta ko sa istasyon ng pulis wala raw gas yung sasakyan,” kwento ni Noel.

Pagbalik ni Noel galing barangay, nagkakagulo na ang mga tao sa paligid.

“Nagsisigawan na ang mga kapitbahay ko, paano, si Romano, may dala ng Samurai,” salaysay ni Noel.

Dahil sa takot sa umano’y nag-aamok na si Romano, may mga taong bumato rito ngunit hindi raw nila nakilala.

Agad itong isinugod sa Las Piñas Hospital, ngunit dahil sa kakulangan ng kagamitan ay inilipat ito sa UP-Philippine General Hospital (PGH).

Ipinatawag sila ng mga pulis ukol sa insidente ngunit ipinaliwanag nila na hindi nila namukhaan kung sino ang nambato rito kay Romano Sr.

Si Amir Ong, 19, anak ni Noel at isang  Remegio Dura, 55, ang positibong kinilala ni Hyacinth Palisoc, anak ni Romano, na nambato sa kanyang ama.

 “Nasa bahay ang anak ko nang mabato si Romano, inosente ang anak ko,” wika ni Noel.

Nagharap sa isang ‘preliminary investigation’ sa Prosecutor’s Office ang magkatunggaling panig. Sa unang pagkakataon ay nakita ni Noel ang nagrereklamong si Romano na nakasuot ng salamin.

“Ni wala ngang pasa tapos sabi, nabulag pa,” wika ni Noel.

Nagpakita raw ng Medico Legal report si Romano Sr. na iba naman umano sa aktuwal na nakita ni Noel. Sabi pa ni Noel, maging siya ay idinadawit sa pambabato ngunit wala naman siyang naipakitang mga dokumento na siya nga ay kasama sa mga inireklamo ng mag-amang Palisoc.

“Kami’y lumapit dito para malaman namin kung ano ang dapat naming gawin. Para kaseng nadidiin kame na wala naman kaming kasalanan,” wika ni Noel.

Para sa patas na paglalahad ng istorya, tiningnan din namin ang salaysay ng kabilang panig. Ayon kay Romano Palisoc Sr., nakarinig siya ng pambabato sa kanilang bubungan ng gabing iyon. Lumabas siya ng kanilang bahay upang tingnan kung sino ang bumabato at dito niya umano nakita sina Remegio, Amir at isang Antonio Añonuevo na may hawak pang mga bato.

Binato raw ni Remegio si Romano na naging dahilan ng pagputok ng kanang parte ng kanyang noo. Lumapit pa raw si Amir at binato ulit umano si Romano sa kaliwang kilay na ikinalabo ng kanyang mata at pagsusuka ng dugo.

Sa resulta ng pagsusuri ng doktor (Clinical Abstract) na iprinisinta ng panig ni Romano Palisoc, ito ay nagtamo ng pinsala sa mata at multiple injuries dahil sa pagpukpok ng bato sa ulo ng paulit-ulit.

Matapos ang insidente, dinampot itong si Remegio Dura at in-inquest subalit siya’y nakapagpyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya. Ang pagkahuli nitong si Dura ay nagpapatunay na kumilos ang mga barangay at pati na rin ang mga pulis ukol sa kasong ito.

Dahil hindi agad nahuli itong si Amir, idinaan sa proseso ang pagsasampa ng reklamo (ordinary filing) at sumailalim sa preliminary investigation.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Noel.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ayon sa resolusyon na inilabas ni Asst. State Prosecutor Mario Mangrobang noong ika-20 ng Mayo taong 2014, nakitaan niya ng sapat na dahilan (probable cause) para masampahan ng kasong nabigong pagpatay (Frustrated Homicide) at grabeng mga sugat (Serious Physical Injuries) ang mga akusado. Ipinaliwanag niya na maaaring ikamatay nitong si Palisoc ang nangyari sa kanya at nailigtas lamang nang siya’y dalhin sa PGH at sumailalim sa mga maselang  operasyon kaya’t siya’y nabuhay.

Malinaw na ang depensa ng mga taong nagpunta sa aming tanggapan ay nais nilang palabasin na ang mga sugat na tinamo nitong kanilang kalaban ay nanggaling sa mga di kilalang tao o sa legal na pananalita, ‘by tumultuous affray’ o nanggaling sa isang kaguluhan kung saan hindi nakilala ang mga salarin. Pag ito ay itinabi mo sa isang positibong pagkilala ng anak ng biktima na si Hyacinth na nagsasabing si Amir, si Remegio, si Antonio ang mga nambato sa aking ama, kadalasan, ang huli ang mas pinapapanigan at binibigyan ng mas malaking timbang (Mere denial cannot be given more weight in the face of positive identification pointing on the assailant).

Matapos sabihin ang lahat ng ito, magkakaroon naman sila ng sapat na pagkakataon na ihayag ang kanilang panig pagdating ng araw na ang kasong ito’y litisin sa korte.

Hindi lahat ng lumalapit sa aming tanggapan ay nilulunok namin ang istorya at tinitimbang namin ang kabilang panig din.

Ayaw namin silang umasa na basta na lamang malulusutan nila ito subalit binibigyan namin sila ng babala na paghandaan nilang mabuti ang kanilang mga sasabihin bilang kanilang depensa. (KINALAP NI JOHN ERIC CORNELIO)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

vuukle comment

LAS PI

LUMABAS

MATAPOS

NOEL

ROMANO

ROMANO SR.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with