Libreng sakay sa mga magulang na mamimili sa Divisoria, sinimulan na
MANILA, Philippines - Nagsimula na kahapon ang pagbibigay ng libreng sakay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang binuksang Pasig River Ferry System sa mga mananakay na magulang partikular ang mga nanay na mamimili ng gamit sa eskuwela sa Divisoria sa magkakasunod na tatlong Sabado.
Ito ay pakunsuwelo ng MMDA sa mga mananakay na magulang na mamimili sa Divisoria para sa gamit ng kanilang mga anak sa darating na pagbubukas ng eskwela.
Ayon sa MMDA, ito ay nagsimula kahapon (Mayo 10) hanggang sa susunod na dalawang Sabado (Mayo 17 at 24) mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon.
Ang regular na operasyon ng Ferry System simula nang ito’y buksan ay mula Lunes at Biyernes lamang, alas 6:00 ng umaga hanggang alas 10:00 ng umaga at alas 4:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi.
Sa ngayon ay tuluy- tuloy na ang operasyon ng Ferry System at nananatili pa ring itong libre hanggang sa Mayo 15 at nagbibigay rin ito ng libreng kape at pandesal.
Nabatid na binuhay ng MMDA ang Ferry System project sa layuning mabigyan ng alternatibong uri ng transportasyon ang publiko bunga na rin ng inaasahang pagsikip ng daloy ng trapiko sa Metro Manila sa sandaling magsabay sabay na ang implementasyon ng mga infrastructure project ng pamahalaan sa Kalakhang Maynila.
- Latest