Re-blocking sa EDSA itinigil
MANILA, Philippines - Sinuspinde muna ng Department of Public Works and Highways ang isinasagawa nilang road re-blocking sa kahabaan ng EDSA Avenue ngayong weekend dahil sa isinasagawang sale ng ilang malls.
Sa naging advisory kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority, sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na simula noong Mayo 2 hanggang Mayo 5 ay pansamantalang hindi muna matutuloy ang road re-blocking sa lugar ng Mandaluyong at Quezon City.
Hindi ito inaprubahan sanhi ng mga isasagawang mall sales at fun runs na naka-iskedyul ngayong weekend.
Ngunit inaprubahan naman niya ang pagkukumpuni sa Kamuning Road sa pagitan ng Scout Ybardolaza at Tomas Morato simula pa noong Biyernes ng alas-10:00 ng gabi.
Gayunman, pag-aaralan muli ng MMDA ang application ng DPWH sa naunang plano sa naturang proyekto.
Ayon pa kay Tolentino, bibigyan nila ng pagkakataon ang DPWH na tapusin ang natitirang road works bago ang World Economic Forum sa Mayo 21.
Sa ngayon ay marami pa rin mga motorista ang naiinis dahil sa sobrang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA sanhi ng road re-blocking.
- Latest