LPA tatama sa kalupaan ngayong Miyerkules – PAGASA
MANILA, Philippines – Anumang oras ngayong Miyerkules ay tatama sa kalupaan ang low pressure area sa Eastern Visayas, ngunit kaagad din itong mawawala, ayon sa state weather bureau.
Huling namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang sama ng panahon sa 240 kilometro hilaga-silangan ng Catarman, Northern Samar kaninang alas-4 ng umaga.
Makararanas ng maulap na papawirin ang Eastern Visayas na may mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may kulog at kidlat.
Mababa ang tsansang maging ganap na bagyo ang LPA, ngunit kung mangyayari ito ay pangangalanan itong “Ester†ang panlimang bagyo ngayong taon, dagdag ng PAGASA.
Nobyembre ng nakaraang taon nang hagupitin ni “Yolanda, ang pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng bansa, ang Eastern Visayas kung saan higit anim na libong katao ang nasawi.
Samantala, magiging maaliwalas ang panahon ng nalalabing bahagi ng bansa, kabilang ang Metro Manila.
Nasa panahon ng tag-araw ang Pilipinas kung saan inaasahan itong magtatagal hanggang kalagitnaan ng Hunyo.
- Latest