Gigi Reyes 'di mandadawit - Jinggoy
MANILA, Philippines — Naniniwala si Senador Jinggoy Estrada na sa pagbalik bansa ng abogadong si Jessica "Gigi" Reyes ay wala siyang planong maging state witness para sa kontrobersyal na pork barrel scam.
Sinabi ni Estrada, na bumalik sa bansa kagabi, na wala sa pagkatao ni Reyes ang manglaglag ng mga kaibigan.
"Tingin ko wala sa character niya 'yon na mandadawit ng ibang tao. Matagal ko nang kilala si Atty. Gigi at nirerespeto namin yan. Napakaintelehenteng abogada niyan," wika ni Estrada na nagpatingin ng kanyang tuhod sa Amerika.
Kaugnay na balita: Enrile, Revilla, Estrada dawit sa affidavit ni Napoles
Dagdag niya na handang harapin ni Reyes ang mga kaso laban sa abogado.
"She came here. She returned to our country voluntarily. She is ready to face the charges," paniniwala ng senador.
Kabilang si Estrada at Reyes sa mga pinakakasuhan ng plunder at graft matapos makakita ng probable cause ang korte.
Si Reyes umano ang pumipirma ng mga papeles sa pagpapalabas ng pondo ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na ginagamit sa pork barrel scam.
Iginiit ni Enrile na handa siyang harapin ang mga kaso laban sa kanya.
"Gusto ko na ngang mapabilis iyang kaso na iyan... para lumabas na 'yung buong katotohanan."
- Latest