Piliin ang mas masustansya? (Part 4)
MAYROON ditong halimbawa ng masustansyang pagkain, alam mo ba ang mas healthy sa dalawang ito? Bilhin at kainin nang madalas ang mas masustansyang pagkain.
• Cream soup o clear soup.
Ang cream soup ay sopas na malapot at may halong gatas. Dahil dito, mas nakatataba ito at mas mataas sa calories. Sa mga nag-di-diyeta, piliin ang clear soup o iyung mas malabnaw na sopas.
Winner: Clear soup.
• Kanin o spaghetti.
Ang kanin at spaghetti ay parehong nagbibigay ng energy sa ating katawan. Ngunit ang isa dito ay mas mabilis magpataas ng ating asukal sa dugo. Ayon sa mga eksperto sa nutrisyon, ang kaning puti ay tinatawag na may “high glycemic index,†o mabilis itong magpataas ng ating blood sugar pagkakain. Sa kabilang banda, ang spaghetti ay may “low to medium glycemic index,†o mas dahan-dahan ang paglabas ng sugar sa ating katawan. Isang payo lang: Huwag i-overcook ang spaghetti. Kailangan ay matigas-tigas pa ito (al dente). Kapag na-overcook ang spaghetti, masama din ang epekto nito sa ating blood sugar tulad ng kanin.
Winner: Spaghetti.
• Pritong bangus o sinigang na bangus.
Kahit anong bagay na prito ay mas gusto nating iwasan. Kaya kahit pritong isda ay may mantika pa rin. Mas masustansya ang mga pagkaing inihaw at steamed. Dahil dito, mas healthy ang sinigang na bangus lalo na kung may maraming gulay.
Winner: Sinigang na bangus.
• Pork chops o pork tenderloin.
Sa katunayan, mahirap pagpilian ang 2 klase ng baboy. Pag dating sa baboy at baka, piliin natin ang mga hiwa na mas mababa sa taba. Ang pork tenderloin at sirloin ay mas mababa sa taba kumpara sa pork chop at pork belly. Tanggalan din ng taba ang karne bago ito lutuin.
Winner: Pork tenderloin.
• Dilaw na pakwan o pulang pakwan.
Ayon sa U.S. Department of Agriculture, ang pagkain ng pulang pakwan ay nagpapataas ng lebel ng arginine at nitrous oxide sa ating katawan. Ang mga kemikal na ito ay nagpapa-relax ng ating ugat at nagpapaganda ng daloy ng dugo. May lycopene din ang pulang pakwan. Dahil dito, makatutulong ang pulang pakwan sa ating puso. Ang dilaw na pakwan naman ay may lutein, isang kemikal na mabuti sa ating paningin.
Winner: Parehong winner. Pulang pakwan para sa puso at dilaw na pakwan para sa mata.
- Latest