EDITORYAL - Kapag naging legal ang marijuana
ISANG dating pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tutol sa legalisasyon ng marijuana. Sabi niya, kapag daw pinayagang maging legal ang paggamit ng marijuana, mas lalo pang lulubha ang drug problem sa bansa. Sabi niya nagmi-mistulang “pintuan†ang marijuana para pasukin pa ang ibang pinagbabawal na gamot. Kapag nakatikim ng marijuana, susubok pa nang mas malakas. Hanggang sa maging sugapa na sa bawal na gamot.
Noon pa, meron nang nagpapanukala para sa legalisasyon ng marijuana. Pero maraming tutol. Negatibo ang dating. Hanggang sa malimutan ang isyu at mamatay. Pero ngayon, meron na namang ipinagigiitan na gawing legal ang paggamit ng marijuana. Ayon kay Isabela Rep. Rodito Albano (awtor ng panukala) para sa medical purposes lamang kaya niya isinusulong ang pagsasa-legal ng marijuana. Hindi raw matutulad sa Colorado, US na legal ang paggamit ng marijuana at malayang ginagamit sa kung saan-saan. Sa kanyang panukala, hindi puwedeng gamitin ang marijuana para sa recreation purposes. Hindi rin ito puwedeng ibenta at basta itanim sa bakuran. Para sa medical purposes lang kaya isasalegal ito. Gamot umano sa epilepsy ang marijuana at ang oil nito ay may mahalagang gamit.
Totoo na ginagamit ang marijuana bilang gamot subalit hindi naman dapat basta-basta gawing legal ito. Kung ngayong bawal ang paggamit nito ay marami ang lumalabag, paano pa kung legal na ito? Gaano ang kasiguruhan na hindi ito gagamitin sa pag-aadik? Gaano ang kasiguruhan na mababantayan ang mga nais magtanim nito sa bakuran?
Kapag pinahintulutan ang paggamit ng marijuana, magiging dahilan para lalo pa itong abusuhin. Kapag naging legal, darami ang adik na kabataan at siguradong masisira ang kanilang kinabukasan.
Mas maganda sana kung ang ipapanukalang batas ay kung paano hihigpitan ang mga pumapasok na dayuhan na nagdadala ng illegal drugs. Mas kapuri-puri ito.
- Latest