2 mister nakuryente, patay
CAMP SIMEON OLA , Legazpi City, Philippines – Naging mitsa ng kamatayan ng dalawang mister ang pangunguryente ng isda matapos na aksidenteng makuryente habang namimingwit sa Cabatangan River sa Brgy. Lourdes, Pandan, Catanduanes kamakalawa. Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Ronnie Rodriguez, 49 anyos at Celso Vitalico, 45, pawang mga residente sa lugar.
Sa ulat ng pulisya, bandang alas-10 ng umaga habang nangunguryente ng isda ang magkaibigan sa nasabing ilog ng maganap ang insidente.
Ayon sa imbestigasyon, sa sobrang galak ng mga biktima sa nahuhuling mga isda ay nakaligtaan ng mga ito na nakalapat sa tubig ang kawad ng panguryente ng isda na isinabit ng mga ito sa live wire.
Dahil dito, tuluy-tuloy na dumaloy sa katawan ng mga ito ang malakas na boltahe ng kuryente na siyang kumitil sa kanilang buhay.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang kasong ito.
- Latest