EDITORYAL - Maraming sina-‘salvage’
SUNUD-SUNOD ang mga natatagpuang bangkay sa kalsada sa maraming lugar sa Metro Manila. Lahat ay hinihinalang biktima ng “salvage’’ o summary executions. Ang ilan ay nakatali ang paa at kamay, may piring at may busal ang bibig at may tama ng bala sa katawan at ulo. Ang iba ay nakasilid sa balikbayan box samantalang ang iba ay nakasilid sa basurahan o kaya ay drum. Yung iba, may nakasabit na karatula sa leeg na nagsasabing “huwag akong tularan, magnanakaw akoâ€.
Noong Sabado, dalawang salvage victims ang natagpuan sa C.P. Garcia Avenue, Bgy. UP Campus, Quezon City. Nakabusal ang bibig at nakatali ang mga kamay at paa ng mga biktima. May mga sugat sa dibdb. Ang isang biktima ay may cardboard na nakasabit sa leeg at nakasulat doon: “Akyat bahay ako, huwag tularan.’’
Noong nakaraang linggo tatlong salvage victims ang natagpuan malapit sa Manila City hall at National Museum. Pinagpatung-patong sa loob ng traysikel ang mga biktima. May mga tama ng bala sa ulo at katawan ang mga biktima at sinasabing mga naka-motorsiklong lalaki ang bumaril sa mga ito.
Noong Linggo ng umaga, isang bangkay ng lalaki na nakasilid sa kahon ang natagpuan sa Tondo Sports Complex, malapit sa Station 2 ng MPD. Ayon sa mga pulis, nasa 25 hanggang 30 ang biktima, may packaging tape ang bibig at mukha. Nakaluhod umano sa kahon at may mga tama ng saksak sa katawan. Hinihinalang sinalvage ang biktima at itinapon sa lugar.
Noon pa, marami nang natatagpuang mga bangkay na hinihinalang sinalvage. Sinasabing vigilantes ang nasa likod ng pag-salvage at meron din namang kagagawan ng mga kasama ng biktima na nang-onse sa bentahan ng droga o kaya’y titiwalag na sa grupo.
Anuman ang dahilan kaya may mga bangkay na natatagpuan, nagpapakita ito ng kahinaan ng pagpapatupad ng batas. Mabagal umusad ang mga korte sa pagresolba sa kaso kaya sinusulusyunan ng “sariling kamayâ€. Mabagal din ang mga pulis na lumutas sa mga kaso kaya may mga taong gumagawa ng hakbang para makamit ang hustisya sa madaling paraan. Hangga’t mabagal ang paggulong ng batas at may mga alagad ng batas na walang pakialam sa mga nangyayari sa kapaligiran, patuloy ang pag-“salvage’’. Marami pang bangkay ang matatagpuan.
- Latest