Mr. Jesus
ISANG bata, sa tantiya ay sampung taong gulang, ang nakatayo sa harap ng tindahan ng sapatos. Titig na titig siya sa rubber shoes na nakadispley sa harapan ng tindahan. Ang bata ay walang suot sa paa, halatang nangangatal sa ginaw dahil tag-lamig nang panahong iyon. Nagkataong isang lalaki ang napadaan sa harapan ng tindahan at napansin ang bata. Nagkasalubong ang tingin ng dalawa. Ngumiti ang lalaki sa bata: Bakit mo tinititigan ang sapatos na nakadispley?
“Nagdadasal po ako na sana ay bigyan ako ng Diyos ng sapatos.â€
Inakay ng lalaki ang bata patungo sa loob ng tindahan. Pinapili kung ano ang gustong sapatos. Itinuro ng bata ang nagustuhang sapatos. Bago isukat ay humingi ng tubig at basahan ang lalaki sa saleslady. Ginamit niya iyon para ipanglinis sa paa ng bata.
Umorder ang lalaki ng medyas at isinuot sa bata. Isinukat sa bata ang nagustuhang sapatos. Nagkataong sukat na sukat ang size. Matapos bayaran ay saglit na nag-usap ang bata at lalaki. Sabi ng bata, “Ang galing talaga ng Diyos. Kanina lang po ako nagdasal pero inutusan ka kaagad na puntahan ako at ibili ng sapatos. Pakisabi po sa Diyos, salamat sa kanya at sa iyo po Mr. Jesus’’.
Matagal nang nakaalis ang bata ay hindi pa rin makalimutan ng lalaki ang pagtawag sa kanya ng bata ng Mr. Jesus. Balbas sarado kasi siya, maputi at matangos ang ilong. Sa madaling salita ay kahawig siya ni Jesus. Kaya siguro inakala ng bata na anak siya ng Diyos na inutusang bumili ng sapatos para sa kanya. Ang totoo ay plano niyang pagnakawan ang tindahan. Para namang pinagtiyap ng pagkakataon, nakita niya ang batang nakatunganga sa harapan ng tindahan.
Ginamit niya ang bata para makapasok sa tindahan at pag-aralan ang pasikot-sikot ng tindahan—kung nasaan ang kaha at kilos ng mga tauhan sa tindahan. Pero sa kauna-unahang pagkakataon ay may isang taong nagtiwala sa kanya at nag-akala pa na siya ang anak ng Diyos. Biruin mo, tinawag siyang Mr. Jesus. Nakakahiya sa tunay na nagmamay-ari ng pangalang iyon. Magbabago na siya.
- Latest