PNoy natulog sa tent sa Bohol
MANILA, Philippines - Pinawi ni Pangulong Aquino ang takot ng mga Boholanos kaugnay sa mga tsismis na lulubog daw ang lalawigan at may uusbong na bulkan matapos ang magnitude 7.2 na lindol na tumama sa probinsiya noong nakaraang linggo.
Sinabi ng Pangulo sa mga residente na hindi sila dapat maniwala sa mga haka-haka at para patunayan na mali ang balita ay natulog mismo si PNoy sa isang tent kasama ang mga evacuees sa Loon, Bohol kamakalawa ng gabi.
Siniguro din ni PNoy sa mga Boholanos sa muling pagbisita nito na handa ang gobyerno na tulungang makabangon ang mga ito mula sa sinapit na trahedya.
Namahagi din ng tulong si Aquino kasama ang ilang miyembro ng Gabinete sa mga evacuees na mas piniling matulog sa mga evacuation centers matapos masira ng lindol ang kanilang mga tahanan.
Pinayuhan din ni PNoy ang mga non-goÂvernment organizations at mga local government units na magkasundo kaugnay sa pamamahagi ng mga relief goods matapos ang nangyaring gulo sa pagitan ng Red Cross at alkalde ng Maribojoc, Bohol.
Iniutos din ng Pangulo sa DPWH na bilisan ang pagkumpuni sa mga nasirang tulay at daan na nawasak ng malakas na lindol.
Dinalaw kahapon ni Pangulo ang bayan ng Tubigon gayundin ang mga nasirang simbahan at iikutin din nito ang munisipyong naapektuhan ng lindol.
Siniguro din ng Pangulo na walang dapat ipag-alala ang mga biktima ng lindol dahil may sapat na relief goods ang gobyerno upang ipamahagi sa mga biktima.
- Latest