Sa loob mismo ng NBP compound opisyal ng BuCor utas sa tandem
MANILA, Philippines - Patay ang isang mataas na opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) makaraang tambangan at pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) Compound sa Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Isinugod pa sa Medical Center of Muntinlupa ang biktimang si Col. Francisco Abonales, ngunit nalagutan rin ito ng hininga dakong alas-9:30 ng umaga dahil sa tinamong limang tama ng bala ng kalibre .45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa inisyal na ulat, palabas ng kanyang garahe sa tinutuluyang bahay sa loob ng Vicar Village sa NBP Compound sa Poblacion, Muntinlupa ang biktima dakong alas-8 ng umaga sakay ng kanyang Mitsubishi Pajero nang harangin ng dalawang lalaki lulan ng isang motorsiklo at agad itong paulanan ng bala.
Mabilis namang nakatakas ang mga salarin habang sinaklolohan naman ng mga residente ng lugar ang biktima at naisugod sa pagamutan.
Habang isinusulat ito, blangko pa rin ang mga awtoÂridad sa pagkakakilanlan at motibo sa naturang pamamaslang. Nabatid na dating warden si Abonales ng Sablayan Penal Colony sa Mindoro ngunit na-relieved sa kanyang posisyon nitong Hunyo makaraang mapatay ang isang inmate na si Robert Ho habang nasa labas ng kulungan at namamalengke ito.
- Latest