^

PSN Opinyon

‘Lansa ng palengke’ (Unang bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

“IKAW ba naman sabihan ang apo mo… “Pakan…pakan…pa-‘k@#707’ ka naman!” ‘Di ka ba masaksaktan?!” matigas na sabi ng isang lola.

Sakit ng isa… damay ang lahat. Ganito isinalarawan ng lolang si Marietta Calapis ang sinapit ng kanilang pamilya matapos daw durugin ang pagkatao ng apo ng kapatid. Itinago namin sa pangalang “Analyn” 18 taong gulang na ngayon.

Laking Tondo si Analyn. Magkalugar ang mga magulang niyang sina Joyme—Domestic Helper (DH) sa Jordan at Allan Rey nagtitinda ng gulay sa Bluementritt Market.

Grade II pa lang si Analyn ng maghiwalay ang kanyang ina’t ama. Naiwan silang apat na magkakapatid sa lolang si Norma Navarro sa loob ng dalawang taon. Grade IV siya ng bumalik sa inang si Joyme--sa Tondo rin.      

Nang mangibang bansa si Joyme bumalik sila Analyn kay Norma. Nandito sila hanggang sa kasalukuyan.

Parang compound ang bahay ng kanyang lola. Kasama nila dito ang kapatid ni Norma na si Marietta na matandang dalaga at ang kapatid ng kanyang ama na si Mary Ann Navarro.

Pagtitinda ng gulay sa Oroqueta St., Bluementritt ang kinabubuhay ng mag-anak. Katapat ng kanilang pwesto ang tindahan ng ‘tupperware’ ni Kagawad Senando “JonJon” Pasion ng Brgy. 363, Zone 37-Sta.Cruz, Manila.

Madalas daw magkwentuhan ang biyenan ni JonJon na si “Bi­ring” at Norma. Ang boy ng kagawad na si Marvin Madlangsakay, 23 taong gulang ay naging malapit naman kay Analyn. Naging mag- ‘textmates’ sila.

Nanligaw si Marvin sa kanya. “Mahigpit ang lola ko sa ‘ming magkakapatid dahil wala si Mama. Bahay, palengke, eskwela lang ako,” ayon kay Analyn.

Inaabangan ni Marvin si Analyn sa eskwelahan sa Calderon, ganito ang kanilang naging ligawan hangang maging sila ika-12 ng Hulyo 2010.

Dito na nagsimulang pumuslit si Analyn sa lola.

“Nagkikita kami ng palihim. Minsan nagpapaalam ako magko-computer pero diretso kami sa bahay nila Marvin sa Dimasalang, Sta. Cruz,” pag-amin ni Analyn.

Sa tuwing pagkikita may nangyayari sa kanila. Makalipas ang dalawang buwan naramdaman ni Analyn na parang may pagbabago sa kanyang katawan.

“Iregular ako kaya akala ko delayed lang pero sobra ng tagal kaya bumili ako ng ‘pregnancy kit’,” ani Analyn.

Positibo ang naging resulta. Buntis si Analyn sa edad na dise sais. Hindi alam ni Analyn ang gagawin. ‘Di niya magawang sabihin sa kanyang lolang buntis siya kaya’t ang ginawa niya pumunta siya sa Tanza,Cavite sa kapatid ng kanyang ina na si Loreta Belandres at sa kanya umamin.

Nilihim nila nung una ang kanyang kundisyon. Enero 2011, nag-away si Norma at Analyn. Naglayas si Analyn at bumalik kay Loreta. Dito na inamin nila Analyn ang kundisyon sa inang si Joyme na nasa Jordan.

Nagalit si Joyme sa anak. Dalawang buwan silang ‘di nagkibuan. Nawalan din sila ng komunikasyon ni Marvin.

“Inilalayo nila kami ni Marvin dahil gusto nila makapag-aral pa ako,” ayon kay Analyn.

Nanganak si Analyn sa puder ni Loreta. Ika-26 ng Hunyo 2011, sinilang ni Analyn ang sanggol na lalaki. Apat na buwan makalipas, nagtrabaho siya sa isang ‘fast food chain’ at nag-aral ng kursong Accounting sa Cavite State University. Natigil din siya sa pag-aaral ng magtrabaho si Loreta sa Qatar.

Nag-board si Analyn sa Cavite. Napilitan siyang iwan ang anak sa kamag-anak ng ina sa Valenzuela. Nang matapos siya sa ‘first sem’ bumalik siya sa lolang si Norma at naghanap ng trabaho.

“Wala pa akong pera kaya araw-araw dumadaan ako kay lola sa palengke. Humihingi ako ng panggastos,” kwento ni Analyn.               

Nagulat siya ng makitang muli si Marvin sa tindahan ni Kagawad JonJon. “Ang alam ko kasi dati umalis na siya…” ani Analyn.

Nagkaroon sila ulit ng komunikasyon. Nagkita muli ng palihim…naging sila ulit. Agosto 2012, ayon kay Analyn nagsimula na daw siyang kutyain ni JonJon.

Nabalitaan daw nitong may nanligaw sa kanyang dating taga La Salle Dasmarinas. Sinimulan umano siyang tuksuhin nito na “May nanligaw daw na taga La Salle? Baka taga-s@7s@7!” sabay tawa kasama raw ang asawa nitong si “Rowena”. Napahiya si Analyn subalit nanahimik na lang daw siya.

Ika-22 ng Agosto 2012… diretsuhan na umanong sinabi ni JonJon kay Analyn ang mga salitang “P@k@#t*t naman yan eh! ‘Di naman si Marvin nakauna d’yan...kung sino-sinong lalaki naman...” sabi umano sa kanya.

Sobrang kahihiyan na raw ang inabot ni Analyn ng panahong iyon.

“Kahit ipaliwanag ko pa na ‘di ako ganun. Syempre maraming nakakarinig. Tingin nila ganun na rin ako,” pahayag ni Analyn.               

Ang insidenteng ito ang nagtulak kay Analyn na magpunta sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWD)-Manila. Nagreklamo si Analyn at pinapunta siya sa Philippine National Police-Recto sa Women’s Desk Office para nagbigay ng salaysay.

Kasong Verbal & Psychological Abuse in rel. RA 7610(Child Abuse) ang sinampang kaso laban mag-asawang JonJon at Rowena Pasion.

Setyembre 07, 2012 nakatanggap ng ‘subpeona’ sina JonJon habang nasa palengke. Kinagalit daw ito ng mag-asawa. Bigla na lang daw itong nanugod sa gulayan nila Norma.

“Wala ng kagawad-gawad dito personalan na ito!” sabi raw ni JonJon sabay lapit naman ng asawa ni Rowena kay Norma at binutukan umano siya.

Nagpang-abot daw si Rowena at Norma, nagpalitan ng salita’t nagkagulo. Mga pulis pa raw ang umawat sa kanila.

Direstong nagreklamo sa Prosecutor’s Office sina Norma, Mary Ann at Allan Rey ng kasong Physical Injury, Grave Threat and Malicious Mischief.

Nakaroon ng pagdinig ang dalawang kaso laban sa pamilya ni Analyn mag-asawang Pasion. Maging ang kapatid ni Norma na si Marietta nakisali na rin sa kasuhan. Nag-file siya ng kasong admi­nistratibo sa Ombudsman laban sa kagawad na si JonJon.

Biglang nag-iba ang ihip ng hangin nang mismong boyfriend ng nagrereklamo’y may ginawa para subukang ilaglag sila.

Ano ito? Ano ang depensa ng kagawad at saan nakarating ang usaping ito?

ABANGAN sa BIYERNES.  EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.  (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal magpunta lang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. Magtext sa 09213263166 (Dahlia), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique).O tumawag sa 6387285 / 7104038 Lunes-Biyernes.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

vuukle comment

AKO

ANALYN

DAW

JOYME

KAY

MARVIN

NORMA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with