^

PSN Opinyon

‘Sariling diskarte’ (Huling bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

KINUHA niya ang pera sa bus kung saan siya natataong nakasampa…sa walong ‘units’ ng RoroBus.

NUNG Miyerkules isinulat namin ang nangyari kay Rodolfo “Rudy” Padlan, 43 anyos, inspektor ng mga bus sa RoroBus Transport Services, Inc. matapos tulungan ang nabundol ng isa nilang bus na si Soledad Guitierrez.

Sa ginawang listahan ni Rudy ng mga kinulektang pera. Walong units ng bus…Bus Nos. na 302, 303, 307,   308, 309, 310, 909 at 910 ang naglabas ng iba’t ibang halaga para daw sa ‘medical expenses’ ni Soledad mula Hunyo 8-26, 2013.

“ ‘Pag-text sa akin ng anak niyang si Lamberto na kailangang bumili ng ganito. Pinapahingan ko ng resibo. Kung saang bus ako nakatuntong dun ako kumukuha ng pambayad,” ayon kay Rudy.

Ang ginagawa daw ni Rudy, ini- ‘staple’ ang resibo sa Trip Collection Report (TCR) ng bus at saka niya nilalagyan ng ‘note’, “expenses of Soledad”.

Ayon sa kanya nakakarating ang TCR sa Terminal ng Sampaloc at saka naman ipapadala sa Head Office ng RoroBus sa Batangas sa Finance Department para i- ‘audit’.  â€œImposibleng ‘di nila malaman,” wika ni Rudy.

Maliban sa mga resibo pinapa- ‘receive’ niya rin daw kay Lamberto ang mga natatanggap na pera galing sa RoroBus.

Ika-22 ng Hulyo 2013, umayos ang lagay ni Soledad at ‘ready for discharge’ na. Hindi siya napalabas agad dahil ‘di pa naayos ang mga bayarin sa ospital na umabot daw sa Php52,900. Kasama na daw dito ang ‘doctor’s fee’.

“Hinintay pa namin ang tseke galing RoroBus. Ang halaga Php50,758 lang. Kulang pa ng Php2,000. Nakiusap lang ako sa ospital,” sabi ni Rudy.   

August 1, 2013 na nang makalabas si Soledad sa Ma. Estrella General Hospital. Gumawa siya ng Affidavit of Waiver kung saan pinatunayan niyang sinagot ng RoroBus ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot. Na tinupad ng RoroBus ang kasunduang nakasaad sa ginawang Affidavit of Undertaking ni Rudy nung ika-17 ng Hul­yo kasalukuyang taon. Sinasabing sila ang sasagot sa medikal na pangangailangan ng pasyente.

Nakahinga ng maluwag si Rudy mula ng makalabas ng ospital si Soledad.

Ika-3 ng Agosto, tinawagan siya sa ‘cell phone’ ni Liza Padros, taga Finance Department. Sinabing may ‘meeting’ sila August 5, Lunes sa Main Office-Batangas. Tinanong ni Rudy kung para saan, mabilis na sagot daw ni Liza, “Sa pasyente n’yo. ‘Di n’yo pinaaalam ang kinuhang pera sa bus…’

Nagkita-kita sila sa opisina ng Operation’s Manager na si Joselito Suelto, Henry Madarang ang HR Manager, “Erwin” Operation’s Supervisor-Sampaloc Branch, Si “Dante” Finance Reviser ng Sampaloc Branch at ang kanilang boss na si Vicente C. Montenegro Jr., Presidente at tumatayo ring General Manager(GM).

Sinabi daw ni Liza na Php9,000 lang ang alam niya na kinuha ni Rudy. Nagkaturuan na umano ng umagang iyon. Hindi na umano nakapagpaliwanag pa si Rudy. “Pinalabas kami ng opisina ni GM, nagalit sa amin. Lilima na lang nga daw kami nagtuturuan pa…” sabi ni Rudy.

Nag-hintay sa labas ng opisina ang lima. Nilapitan sila ni Resty Belen, HR Secretary at sinabi kina Joselito, Dante at Erwin na kailangan nilang magpaliwanag sa pamamagitan ng isang ‘Explanation Letter’.

Hindi umano sila kinibo ni Resty, kaya’t ang akala ni Rudy abswelto na sila ni Henry.Umuwi si Rudy sa Maynila.

Ika-7 ng Agosto, tinext niya si Resty para sa sweldo. “Resty, anong balita? Balik na ko dyan bukas duty na ko.” Reply daw ni Resty, “San ka? Wag k muna punta Mindoro dun k muna report Sampaloc,”—laman daw ng text.

May sulat din daw na pinabibigay ang opisina. TERMINATION LETTER na sinisibak na siya dahil sa Gross Negligence o pagpapabaya sa trabaho at pagmamalabis sa ibinigay na kapangyarihan. Ito’y pirmado ng presidenteng si Vicente Montenegro Jr.--Agosto 3, 2013.

Pakiramadam ni Rudy hindi siya nabigyan ng ‘due process’ sa pagtanggal sa kanya. Maliban dito hindi pa umano binigay ng RoroBus ang kanyang sahod kaya’t nagpunta siya sa’min. 

Itinampok namin si Rudy CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat”DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, nakipag-ugnayan kami sa Rorobus Transport Services, nakausap namin sa radyo si Resty Belen. Tinanong namin siya kung alam niya ang tungkol sa binigay na termination letter kay Rudy. Mabilis siyang sumagot na “Oo”.

Giit niya may investigation daw na nangyari at nang sabihin namin kung sumailalim si Rudy sa due process. “Oo” ang matigas niyang sagot at nagbaba daw ang kanilang HR ng Memorandum na pinag-eexplain ito . Bagay na tinanggi naman ni Rudy. Diretso namin tinanong si Resty kung sa palagay nila dinaya sila ni Rudy (Defrauded) ang sagot niya, “Para sa’min, Opo kasi kumukuha sila ng pera sa bus ng walang approval sa Finance at Presidente.” Dagdag pa niya,

“Proper coordination lang po. Kailangan lang i-relay sa’min…”  Kung tinext at tinawagan lang daw sila..kahit ‘verbal’ lang, sila na kikilos.

Nakulangan kami sa paliwanag ni Resty kaya’t kinapanayam din namin sa radyo ang Exec. Asst. ni Chairman Gerardo Nograles, si Exec. Asst. Danilo Pambuan ng National Labor Relations Commission (NLRC). Pinaliwanag ni Exec. Asst. Pambuan kay Resty na dapat may mga ‘notices’ na natatanggap ang isang empleyado bago siya sibakin. Bilang tulong pinapunta namin si Rudy sa NLRC para sa legal na hakbang na maari niyang gawin.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang tingin ng RoroBus lumampas si Rudy sa tungkuling dapat niyang gawin…nangolekta siya ng pera sa mga bus gayung ‘di na agaw buhay ang sitwasyon ng biktima dahil tatlong linggo na itong nasa ospital. Madali ng manggaling ang pera mula sa kumpanya mismo sa halip na direktang kunin sa koleksyon ng bus.

Ayon kay Rudy, isasampa niya ang kasong ito sa NLRC. Dun mailalabas kung nabigyan nga siya ng Due Process. Kung tama si Resty na nagkaroon ng imbestigasyon maipapakita nila ang mga dokumento gaya ng ‘memorandum to explain’ na itinatanggi ni Rudy na nakatanggap siya.

Hindi rin namin pwedeng isang tabi na yung tatlong kawani ng RoroBus Tranport ay pinagpapaliwanag at siya’y hindi. Kung tutuusin, siya ang kumulekta ng pera kaya’t siya dapat ang unang pagpapaliwanagin. 

Kung dumiskarte ng sarili itong si Rudy at basta na lamang kumuha ng pera sa mga bus sa kanyang rota na umabot sa Php94,867 at may puntos sila dun, lumalabas na nagdududa sila sa transaksyon nitong si Rudy at dun papasok ang tinatawag na ‘loss of confidence.’

Ang NLRC ngayon ang may poder para magbaba ng desisyon kung sino ang tama at mali. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Sa gustong dumulog magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. Mag-text sa 09213263166(Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854(Monique). O tumawag sa 6387285/ 7104038.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

BUS

DAW

KUNG

NAMIN

ROROBUS

RUDY

SILA

SIYA

SOLEDAD

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with