^

Punto Mo

Social media at kasinungalingan

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

ISA sa nagagamit na instrumento ng mabilisang pagpapalaganap ng kasinungalingan ay ang mga social media platforms na tulad ng Facebook. Noong umpisa, ang karaniwang makikita sa FB ay mga litrato ng pagkain. Pero ngayon, parang diyaryo na ang FB—balita, komentaryo, gulo, trahedya, entertainment, paano magiging ganito at ganoon, etcetera, etcetera.

Okey lang naman ang mga impormasyong tulad nito, ngunit ang nakaaalarma, nagkalat sa FB ang mga fake news at deep fakes na mukhang totoo, pero peke pala.

Pinabilis ng FB ang pagkalat ng kasinungalingan, naaabot nito kaagad ang milyun-milyong tao sa buong mundo. Nagsasapatos pa lang ang katotohanan ay nakatakbo na ng milya-milya ang kasinungalingan dahil sa FB. Ang lalong nakaaalarma, maraming tao ang madaling naloloko ng social media dahil sa kakulangan ng kakayahang piliin kung ano ang peke at totoo.

Ayon sa pinakahuling surbey ng Social Weather Stations, 51 porsyento ng mga Pilipinong aktibo sa paggamit ng social media ay walang kakayahang matukoy kung ano ang totoo sa peke. 

Noong nakaraang taon, may 86.75 milyong Pilipino ang aktibo sa social media, kumakatawan ito sa 73.4 porsyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas. Isa tayo sa pinakaaktibong social media users sa buong daigdig.

Hindi ba nakaaalarma na halos 45 milyong Pilipino ang madaling naloloko ng fake news, naniniwala sa mga inimbento lang na pangyayari, gumagawa ng desisyon na base sa ­kasinungalingan? Aba, sobra-sobra ang 45 milyon para magpabagsak sa gobyerno at anumang totoo at mabuti.

Nagagamit ni Satanas ang social media para magpalaganap ng kasinungalingan at ­panlilinlang. Ang ibig sabihin ng Satanas ay kaaway at tagaakusa. Maraming akusasyon ang mababasa natin sa social media, pero karaniwan ay mga akusasyong imbento lamang ng mga bayarang social media influencers.

Ilang tao na at organisasyon ang nawasak dahil sa mga akusasyong naroroon ang lahat ng mga sangkap maliban sa katotohanan. Si Satanas ay ama ng kasinungalingan. Tila nagsilang na si Satanas ng anak—ang social media.

Isa sa utos ng Diyos na malawakang nalalabag ngayon ng tao dahil sa social media ay ang utos na “Huwag kang magiging sinungaling na saksi laban sa iyong kapwa.” In short, huwag magsisinungaling. Maaari tayong magsinungaling sa pamamagitan ng hindi pagsasabi ng totoo.

May pagkakataon na hindi natin sinasabi ang totoo para lang huwag mapahiya ang ating kapwa. Ang mas malalim at masamang pagsisinungaling ay ang pagsaksi sa kasinungalingan o ang pagiging bulaang saksi.  Dito ay sadyang iniimbento ang bagay na sinasaksihan o pinapatotoo para manloko. 

Mahigit dalawang libong taon na ang nakararaan, nakita na ni Hesus ang pangangailangan na laging tiyakin ng isang tao na siya’y tumatayo o naninindigan sa katotohanan. Sabi ni Hesus sa Juan 8 :32, “At inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”

Mahalagang matuto tayong alamin kung ano ang peke at totoo. Maaari lamang tayong makalaya sa kasinungalingan kapag nalaman natin kung ano ang totoo. Ang katotohanan ay nagpapalaya; ang kasinungalingan ay umaalipin.

Kung minsan ay matagal na nakapanloloko ang kasinungalingan, ngunit sa bandang huli, tiyak na lulutang ang katotohanan. Sabi ni Abraham Lincoln, “Maaari mong maloko ang ilang mga tao sa lahat ng panahon, at ang lahat ng mga tao sa ilang panahon, pero hindi mo maloloko ang lahat ng tao sa lahat ng panahon.”  

SOCIAL MEDIA

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->
ad