EDITORYAL - Dami pa ring ‘anay’ sa PNP
MARAMI pa ring “anay’’ sa Philippine National Police (PNP) at ang mga ito ang sumisira sa organisasyon. Hindi na nakapagtataka na sa pagdating ng panahon ay tuluyang gumuho ang PNP dahil sa mga mapanirang “anay”. Ang kaawa-awa ay ang mga mabubuting pulis na iniingatan ang reputasyon subalit nadadamay sa ginagawang pagsira ng mga “anay’’.
Nang maupo si PNP chief Gen. Rommel Marbil noong Abril 1, 2024, nagbabala siya sa police scalawags na mananagot ang mga ito sa ginagawang kasamaan na nagpapababa sa paningin ng mamamayan. Nangako siya ng reporma sa PNP. Pero sa kabila ng banta, patuloy pa rin sa masamang gawain ang mga pulis.
Patunay dito ang ginawa ng tatlong pulis sa Bulacan na pinasok ang bahay ng isang negosyante at tinangay ang P30 milyong cash. Ayon sa Bulacan Police Provincial Office, kinasuhan na ng robbery hold-up sa Bulacan Prosecutor’s Office ang mga pulis na sina Maj. Armando Reyes, Staff Sgt. Anthony Ancheta at Senior Master Sgt. Ronnie Galion. Apat pang pulis ang hinahanap. Nangyari ang pagnanakaw noong Agosto 28 sa Brgy. Borol 2nd, Balagtas, Bulacan. Nagpanggap umano ang mga suspek na nanghihingi ng tulong-pinansiyal kaya nakapasok sa bahay ni Emerson Magbitang. Tinutukan ng baril si Magbitang at tinangay ang pera. Nagsumbong si Magbitang sa mga pulis at naaresto ang tatlo.
Noong nakaraang linggo, sinampahan na ng kaso ang dalawang dismissed policemen na sangkot sa pagpatay sa Pampanga beauty queen at nobyong Israeli. Pagkatapos patayin, inilibing ang dalawa sa bakanteng lote. Nakilala ang mga dating pulis na sina Michael Guiang at Rommel Abuso.
Noong Hunyo kasalukuyang taon, inaresto naman ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) si Lt. Col. Gideon Ines, Jr. matapos isangkot sa “rentangay” carnapping modus. Samantala, noong Agosto 2023, siyam na pulis ang pumasok sa bahay ng babaing senior citizen sa Imus, Cavite at pinagnakawan ito. Inakusahan ng mga pulis na sangkot sa droga ang senior citizen.
Patuloy sa pagsira ang mga “anay” sa PNP at inaabangan kung paano malilipol ni Marbil ang mga ito.
- Latest