Buwan ng Wika Special : Wastong gamit ng mga salita
CEBU, Philippines - Narito ang huling kabanata ng ating pagbabalik-tanaw o pagbabalik-aral sa ilang mga salita ayon sa kanilang wastong gamit:
1. Opo, oho (po, ho)
Opo – (yes Madame, yes Sir) – mas pormal ang dating, kadalasang ginagamit kapag ang kausap ay propesyunal, may mataas na katungkulan sa lipunan, mga kawani sa opisina at karapat-dapat ding gamitin kung ang kausap ay mga magulang at nakatatandang kapatid.
Oho – (yes Mrs., yes Mr.) – di gaanong pormal ang dating; pangmasa ang gamit nito.
Halimbawa:
• “Magandang umaga po Gng. Tan,” magalang na bati ng kanyang mga mag-aaral.
• “Bili na ho kayo ng isda ko! Sariwa ho ito.” Panawagan ng tindera sa palengke.
2. Nang, ng
Magkaiba ito ng gamit bagaman magkatulad ng bigkas.
Ang nang ay ginagamit na: a) katapat ng noon(g) o “when” sa Ingles; b) upang o “so that” sa Ingles; k) tagapag-ugnay ng inuulit na pandiwa; at d) pagsasama ng pang-abay na “na” at ang pang-angkop na “na”.
Halimbawa:
• Pasok ka muna nang (upang) makapagmeryenda.
Ang ng ay a) katumbas ng “of” sa Ingles; b) pananda ng layon ng pandiwa ng pangungusap; k) pananda ng tagaganap ng kilos ng pangungusap na hindi naman simuno ng pangungusap; at d) katapat ng “ni” kapag pangalang pantao ang “ng.”
Halimbawa:
• Bigyan mo ako ng isang tasang kape.
3. Kung, kong
Kung - pangatnig na panubali at ito’y karaniwang ginagamit sa hugnayang pangungusap. Ipinakikilala ang di-katiyakan ng isang kalagayan.
Halimbawa:
• Hindi niya masabi kung Sabado o Linggo ang uwi niya sa probinsya.
Kong - nanggaling sa panghalip na panaong “ko” at inaangkupan lamang ng “ng.”
Halimbawa:
• Gusto kong maging maayos ang takbo ng buhay mo.
Pinaghugutang-kaalaman: Filipino 3: Masining na Pagpapahayag nina Veronica Abangan, Ed.D.; Raquel Bercero, MA Ed Cand.; Romana Gera, MA Ed; Orlando B. Magno, Ed.D. Cand.; tl.scribd.com.
- Latest
- Trending