Buwan ng mga Wika
CEBU, Philippines - Magandang araw, mga bata! Pagkakataon ko na ngayon na magamit ang ating Wikang Pambansa – ang Filipino – sapagkat ngayong buwang ito ay ipinagdidiriwang natin ang Buwan ng Wika.
Maaari ko namang gamitin ang sarili nating wika dito sa Cebu dahil sa totoo lang ay Buwan ng mga Wika (o hindi lang iisang wika) ang dapat nating ipinagbubunyi.
Pero higit tayong nagkakaintindihan kung salitang Filipino ang ginagamit sapagkat sakop na nito ang malaking bahagi ng ating kapuluan. Ngunit bakit nga ba hinirang na Filipino ang wikang opisyal? Sinu-sino ba yaong mga namumuno noon na siyang nagtulak kung bakit nabuo ang ganitong kalakaran?
Balikan natin, mga bata, ang isang dahon ng ating maningning, bagama’t masalimuot, na kasaysayan:
Dahil sa ang namayapa nang si dating Presidente Manuel Luis Quezon ay isinilang sa buwan ng Agosto (19, taong 1878), at siyang itinuturing na nagsulong ng paggamit ng wikang Filipino, minabuti na itakda ang pagdiriwang sa tuwing sasapit ang buwang ito.
Ngunit bakit nga ba Filipino? Bakit hindi Sinugbuwano o kaya Ilocano? O kaya Chavacano (Zamboanga)? Tausug (Sulu)? Ilonggo kaya? Gaddang (Nueva Vizcaya at Isabela)? Waray (Samar at hilagang bahagi ng Leyte)? o Kankana-ey (Mt. Province at hilagang Benguet)?
Sa isang pagbabalik-tanaw na ginawa ni dating Pangulong Quezon noong 1925, kanyang naitanong sa kanyang sarili kung bakit hindi gaanong nagtagumpay si Gat Jose Rizal sa pagpukaw ng damdaming bayan sa pamamagitan ng kanyang mga akda.
Napagtanto ni Quezon na lubhang mahirap ngang makipag-ugnayan sa buong Pilipinas kapag liban ang isang masasabing pambansang wika.
Kaya noong Nobyembre 13, 1937, nilikha ng unang Pambansang Asamblea ang Surian ng Wikang Pambansa, na pinili ang Tagalog bilang batayan ng isang bagong pambansang wika. Kaagad namang naitanong, lalo na ng mga Bisaya, kung bakit naman ang Filipino ang magiging pambansang wika samantalang nakararami sa ating kapuluan ang nakakaintindi at nakakapagsalita ng Sinugbuwano (Cebuano).
Ang mga sumusunod ang siyang nakitang mga dahilan o impluwensiya sa pagpili sa Tagalog: Sinasalita ang Tagalog ng napakaraming tao at ito ang wikang pinakanauunawaan sa lahat ng mga rehiyon ng Pilipinas. Papadaliin at pabubutihin nito ang komunikasyon sa mga taumbayan ng kapuluan;
Anang Wikipedia na “hindi ito nahahati sa mga mas maliliit at hiwa-hiwalay na wika, tulad ng Bisaya” at ang tradisyong pampanitikan nito ang pinakamayaman at ang pinakamaunlad at malawak (sinasalamin ang dyalektong Toskano ng Italyano).
Nalaman rin na higit na marami ang aklat na nakasulat o nakalimbag sa Tagalog kaysa iba pang mga katutubong wikang Awstronesyo (ito ang pinakaugat ng mga wika sa Pilipinas).
Ang Tagalog din ang wika Maynila na siyang kabiserang pampolitika at pang-ekonomiya ng Pilipinas. Ito ang wika ng Himagsikan at ng Katipunan—dalawang mahahalagang bahagi sa kasaysayan ng Pilipinas.
Kailan naman siya tinawag na Pilipino?; na unti-unti ay pinalitan ang “P” ng “F” upang mabigyang diin na ang Pilipino ang ating nasyonalidad, samantalang ang Filipino ang pambansang wika na siya ring asignaturang pinag-aaralan.
Dagdag kaalaman mula sa Wikipedia ng Wikang Filipino nagsasaad na noong 1959, nakilala ang wikang ito bilang Pilipino upang mahiwalay ang kaugnayan nito sa mga Tagalog. Nagtakda naman ang Saligang Batas ng 1973 ng panibagong pambansang wikang papalit sa Pilipino, isang wikang tinawag nitong Filipino. Hinihikayat nito na palalimin pa ang mga kaukulang pag-aaral upang higit na mapag-isa ang diwa ng sambayanan – ‘ika nga’y “isang bansa, isang wika, isang diwa.”
Siyanga pala, napakalawak na usapin ang tungkol sa wika. Hanggang ngayon ay hindi pa lubos na tanggap ng lahat ang Filipino. Kung napapansin ninyo, laging ang mga Cebuano ang dati ay pumapalag kapagka nagagamit ang ilang Tagalog na salita sa ating sariling talasalitaan.
Ngunit dahil nga ang bawat wika ay may sarili niyang buhay, patuloy itong magbabagong anyo. Kakatawanin ng ebolusyong ito ang katotohanan na dahil may mabubuhay, mayroon ding tuluyang igugupo ng wikang higit nating kikilingan.
- Latest
- Trending