Gilas Pilipinas yuko sa Egypt

MANILA, Philippines — Sa ikalawang sunod na laro, lumasap ang Gilas Pilipinas ng masaklap na kabiguan sa pagkakataong ito sa kamay ng Egypt, 55-86, sa pagtatapos ng 2nd Doha Invitational Cup kahapon sa Qatar University Sports and Events Complex sa Doha, Qatar.
Maganda naman ang simula ng Gilas Pilipinas na nakipag-gitgitan sa Pharaohs sa opening quarter.
Subalit nagpasabog ng matinding puwersa ang Egypt sa ikalawang kanto kung saan bumanat ito ng 21-7 atake para makalayo ng husto.
Tinampukan ito ng dalawang sunod na three-pointers mula kay Omar Tarek Oraby para makuha ang 39-28 bentahe sa pagtatapos ng first half.
Ito ang naging matibay na pundasyon ng Egypt para makuha ang panalo.
Bumida si naturalized player Justin Brownlee para sa Gilas Pilipinas nang kumana ito ng 18 puntos.
Ngunit wala nang iba pang players ng Gilas Pilipinas ang nagtala ng double digits.
Tanging siyam na puntos ang nagawa ni Carl Tamayo habang may tig-aanim na puntos naman sina Scottie Thompson, Dwight Ramos at AJ Edu.
Dominado ng Egypt ang shaded area matapos makakuha ng 47 rebounds laban sa 32 ng Gilas Pilipinas.
Mayroon ding naikonektang 11 three-pointers ang Pharaohs mula sa 32 attempts nito.
Tumapos ang Gilas Pilipinas sa ikatlong puwesto sa final standings ng Doha tournament tangan ang 1-2 rekord.
Naghari ang Egypt na nagtala ng malinis na 3-0 rekord habang pumangalawa ang Lebanon na may 2-1 baraha.
Pinakahuli ang host Qatar na walang naipanalo sa kanyang apat na laro.
Sunod na pagtutuunan ng pansin ng Gilas Pilipinas ang pagsabak nito sa dalawang laro sa final window ng FIBA Asia Cup Qualifiers.
Una na ang Chinese-Taipei sa Pebrero 20 sa Taipei, Taiwan at ang New Zealand sa Pebrero 23 sa Auckland, New Zealand.
- Latest