5 Chinese, sinampahan ng P5.7 bilyong tax evasion case sa DOJ
MANILA, Philippines — Limang Chinese nationals, na sinasabing sangkot umano sa pagbebenta ng ilegal na sigarilyo, ang sinampahan ng Department of Justice (DOJ) ng P5.7-bilyong tax evasion case.
Ayon sa DOJ, nadiskubreng sangkot ang mga dayuhan sa pagbebenta ng illegal cigarettes, na nakumpiska sa ikinasang joint task force operation ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sa anim na iba’t ibang lokasyon sa Valenzuela at Bulacan noong Nobyembre 6 at 7, 2024.
Nabatid na ang Office of the City Prosecutor of Valenzuela City ay nakadiskubre rin ng “reasonable certainty of conviction” mula sa mga ebidensiyang inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa kanilang reklamo noong Pebrero 7, 2025.
Kaagad namang inihain ng DOJ ang mga kaso sa Court of Tax Appeals (CTA) noong Marso 13 laban sa mga Chinese nationals dahil sa paglabag sa Section 258 o unlawful pursuit of business, kaugnay ng Section 236 at para sa paglabag sa Section 263 o unlawful possession of articles subject to excise tax without payment of the tax, sa ilalim ng National Internal Revenue Code of 1997.
Ayon sa DOJ, inaasahan nilang maglalabas na ang hukuman ng warrants of arrest laban sa mga naturang Chinese nationals sa lalong madaling panahon.
- Latest