Hiyasmin (95)
“Para sa akin, huwag mo na munang sabihin,’’ sabi ni Dax kay Hiyasmin. “May mga bagay na dapat sarilinin mo muna at sa tamang panahon sabihin. Baka pagsinabi mo sa iyong mama ang natuklasan mo e mag-away sila. At sa pag-aaway nila ay makadampot ng kutsilyo ang mama mo at saksakin ang stepfather mo. Sa bandang huli siya pa ang kawawa kung mapatay niya.
“O puwede rin namang mabaliktad ang pangyayari. Baka ang stepfather mo ang makapatay sa mama mo. Baka habang nag-aaway sila ay maitulak nito ang mama mo at tumama ang ulo sa haligi o semento. Posibleng mangyari ang mga sinabi ko. Ang pabigla-biglang pagtatapat ng isang pangyayari ay maaring magdulot ng hindi magandang pangyayari.
“Kaya kung ako sa’yo, huwag mo na munang ipagtapat sa iyong mama ang mga natuklasan mo.”
Tumango si Hiyasmin. Pero nanatiling seryoso ang mukha nito.
“Huwag muna ngayon. Palipasin muna ang kasidhian mong makapagsumbong, okey?’’
Tumango muli si Hiyasmin.
Maya-maya, diniliber na ang pagkain nila.
Napakabango ng salmon. Tumutusok sa pang-amoy. Nakadama lalo ng gutom si Dax.
“Kain na tayo,” sabi ni Dax.
Pero hindi kumilos si Hiyasmin.
“Saka mo na lang isipin ang problema. Kumain muna tayo. Lalamig ang pagkain.’’
Saka lamang kumilos ang dalaga. (Itutuloy)
- Latest