Jokic, Westbrook hataw ng triple-double
DENVER — Kumolekta si Nikola Jokic ng 35 points, 15 assists at 12 rebounds at tumipa si Russell Westbrook ng 25 points, 11 rebounds at 10 assists sa 124-105 pagrapido ng Nuggets sa Brooklyn Nets.
Ito ang ika-145 career triple-double ni Jokic habang inilista ni Westbrook ang kanyang pang-202 career triple-double para sa Denver (22-15).
Sina Jokic at Westbrook ang unang teammates sa NBA history na nagtala ng triple-doubles sa isang laro ng dalawang beses sa isang season.
Si Westbrook ang may pinakamaraming career NBA triple-doubles kasunod sina NBA legend Oscar Robertson (181) at Jokic.
Umiskor si Keon Johnson ng 22 points kasunod ang 19 markers ni Tyrese Martin sa panig ng Brooklyn (13-25).
Isang 25-9 atake ang ginawa ng Nuggets sa third period para kunin ang 90-68 abante bago nakalapit ang Nets sa 92-97 sa fourth quarter.
Sa Boston, humakot si Domantas Sabonis ng 23 points at career-high 28 rebounds para sa 114-94 pagsapaw ng Sacramento Kings (19-19) sa nagdedepensang Celtics (27-11).
Sa New York, bumira si Shai Gilgeous-Alexander ng 39 points sa loob ng 29 minuto para igiya ang Oklahoma City Thunder (31-6) sa 126-101 pagdaig sa Knicks (25-14).
Sa Orlando, kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng 41 points at 14 rebounds sa 109-106 pagtakas ng Milwaukee Bucks (20-16) sa Magic (22-18) bagama’t kumamada ng 34 points ang nagbabalik na si Paolo Banchero.
- Latest