Win No. 5 target ng UP vs Adamson
MANILA, Philippines — Isa sa mainit na teams ngayong Season 87 UAAP men’s basketball tournament ay ang University of the Philippines.
Ito ay dahil sila na lang ang walang dungis ang karta sa team standings.
Nasikwat ng Fighting Maroons ang pang-apat na panalo nang kalusin nila ang Far Eastern University Tamaraws, 69-58, noong Setyembre 22.
Malaki ang ambag nina Francis Lopez, Quentin Millora-Brown, Janjan Felicilda at JD Cagulangan sa mga panalo ng UP kung saan sa kanilang huling laro ay nagsanib puwersa sila upang gilitan ang Tamaraws.
Tiyak na sina Cagulangan, Lopez, Felicilda at Millora-Brown ang kakapitan pa rin ng Fighting Maroons sa pagharap nila sa Adamson Soaring Falcons ngayong alas-4:30 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“One thing that coach Gold (Monteverde) always reminds the players is ‘yung consistency in a game that should apply to fourth quarters,” ani Fighting Maroons assistant coach Christian Luanzon.
Solo sa tuktok ang UP bitbit ang 4-0 record kasunod ang defending champions De La Salle University (4-1), University of Sto. Tomas (3-1) at Adamson (3-2).
Samantala, patuloy na hinahanap ng Tamaraws ang unang panalo kaya inaasahang ibubuhos nila ang kanilang lakas upang makasama sila sa win column.
Wala pang panalo ang FEU sa limang laro kaya asahang itotodo nila ang lahat para makuha ang mailap na tagumpay.
Maghaharap naman sa alas-6:30 ng gabi ang National University Bulldogs at University of the East Warriors.
- Latest