Underground operations ng POGO, patuloy!
NANGALAMPAG ang ilang mambabatas sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) patungkol sa underground operation pa rin ng POGO sa bansa.
Ito ay sa kabila nga naman na ipinag--utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang total ban nito.
Sa Senado, naniniwala si Sen. Risa Hontiveros na sa kabila ng kautusan ng Pangulo ay patuloy pa rin ang underground operations ng POGO.
Idinagdag pa nito na kaya nagsumikap ang Senado na magsagawa ng imbestigasyon ay upang maipasara ang mga POGO sa Pilipinas.
Maliwanag naman aniya na lumabas sa mga pagdinig na pinapatakbo ang POGO ng mga sindikatong kasabwat ang ilang opisyal ng gobyerno.
May matinding pangangailangan umano para patatagin ang koordinasyon ng law enforcement at ng LGUs, para tuluyang mawalis ang POGO.
Sa isang banda hindi ito tuluyang mawawalis kung may sabwatan sa pagitan ng mga ito, na pareho nilang napapakinabangan sa salapi ng POGO.
Imposible din naman kasi na hindi nila matunton o malaman ang POGO operation sa kani- kanilang lugar.
O baka naman nagbubulag-bulagan lang?
Panahon na para mahubaran ang taong gobyerno at mga awtoridad na patuloy na nakikinabang dito!
- Latest