'My Working Team' ipinakilala ni Tolentino para sa POC elections
MANILA, Philippines — Pinatingkad ng tatlong gold medals sa magkasunod na Olympic Games at apat na ginto sa Asian Games tampok ang men’s basketball title ang pamamahala ni Abraham “Bambol” Tolentino sa Philippine Olympic Committee (POC).
Idagdag pa sa matagumpay na pagmamando ni Tolentino sa POC ang nakamit na overall championship sa pamamahala ng bansa sa 30th edition ng Southeast Asian Games noong 2019.
Sa nasabing biennial meet ay humakot ang mga Filipino athletes ng 149 gold, 117 silver at 121 bronze medals sa 56 sports na higit sa 50 golds na nakuha ng second-placed Vietnam.
“It’s about teamwork, it’s about setting and achieving goals, it’s about cooperation,” ani Tolentino sa isang video na tinawag niyang “My Working Team” para sa POC elections sa Nobyembre 29.
Mahirap nang mapantayan kundi man ay malampasan ang nasabing POC administration na nagtampok sa dalawang Olympic gold ni gymnast Carlos Yulo sa Paris 2024 matapos ang kauna-unahang ginto ng Pinas mula kay weightlifter Hidilyn Diaz-Naranjo sa Tokyo 2020.
Nagdaraos ang POC ng eleksyon tuwing ikaapat na taon o katumbas ng isang Olympic cycle.
Muling maghahangad si Tolentino, pinamumunuan din ang cycling federation simula noong 2008, ng panibagong four-year mandate bilang president ng highest sports-governing body sa bansa kasama ang kanyang “Working Team” na binubuo nina Alfredo “Al” Panlilio (basketball) First Vice President, Rep. Richard Gomez (modern pentathlon) bilang Second Vice President, Dr. Jose Raul Canlas (surfing) Treasurer at Donaldo “Don” Caringal (volleyball) bilang Auditor at Alexander “Ali” Sulit (judo), Ferdinand “Ferdie” Agustin (jiu-jitsu), Leonora “Len” Escolante (canoe-kayak) at Alvin Aguilar (wrestling) at Leah Jalandoni Gonzales (fencing) bilang mga miyembro ng Executive Board.
“This is ‘My Working Team’ and the mission is ‘Faster, Stronger, Higher —Together,’” ani Tolentino. “It will be much tougher this time as the Los Angeles 2028 beckons, but rest assured, we will be more committed and active to our task, all for Philippine sports.”
Magbabalik din ang Commission on Elections para sa national Olympic body na pinamumunuan nina Atty. Teodoro Kalaw IV bilang chairman kasama sina Colegio de San Juan de Letran Calamba Rector at President Rev. Fr. Napoleon Encarnacion, O.P. at Philippine Sports Commission Commissioner Olivia “Bong” Coo bilang miyembro.
Nagsimula na ang pagsusumite ng kandidatura noong Oktubre 15 at matatapos ngayong araw.
May 59 voting members ang POC — 34 Olympic national sports associations, 22 non-Olympic federations, dalawa mula sa Athletes Commission at si International Olympic Committee representative to the Philippines Mikaela María Antonia “Mikee” de los Reyes Cojuangco-Jaworski.
- Latest