Bagong mapa ng ‘Pinas ilabas na - advocacy group
MANILA, Philippines — Nagkaisa ang mga advocacy group, kabilang ang Alliance of West Philippine Sea (WPS) at Pinoy Aksyon sa pagsusulong sa pagpapalabas at pagkilala sa buong mundo ng bagong mapa ng Pilipinas na kasama ang West Philippine Sea bilang bahagi ng soberanong teritoryo ng bansa.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni Ron Delos Angeles, representative ng Alliance of WPS ang hakbang ay kasunod ng paglagda sa Philippine Maritime Zones Act, na nagbibigay ng legal na balangkas para sa mga maritime zone ng bansa alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ayon kay Delos Angeles, layon nilang palakasin ang kahalagahan ng bagong mapa, na binibigyang-diin ang pangako ng Pilipinas na protektahan ang Exclusive Economic Zone (EEZ) nito at igiit ang maritime sovereignty nito sa gitna ng patuloy na mga hamon sa teritoryo sa South China Sea.
Nabatid na isinusulong din nila Delos Angeles ang internasyonal na pagkilala sa na-update na mapa para sa legal at makasaysayang pag-angkin ng Pilipinas sa pinagtatalunang karagatan.
Binigyan diin naman ng Pinoy Aksyon na ang paglalabas ng bagong mapa ay pagkakataon ng pagkakaisa ng mga Pilipino at pagpapaalala sa mundo na soberensiya ng bansa.
- Latest