Studio ng TV5, maliit sa bulaga!
Tapos na ang guessing game. Sa TV5 na mapapanood ang original na Eat Bulaga.
Papaano mo namang tatanggihan iyon eh sila na ang content producer mismo para sa network.
Ngayon lang sila nabigyan ng ganyang pagpapahalaga.
Isa na lang ang question, madala kaya nila ang title na Eat Bulaga na alam naman ng lahat ay imbento ni Joey de Leon?
Ang problema kasi riyan, sobra ang kanilang tiwala noong araw, ni hindi ipinarehistro ni Joey ang title na Eat Bulaga sa pangalan niya. Ang turingan nga kasi nila noon pamilya na. Hindi naman nila inaasahan na darating ang panahon na may mga taong iba ang takbo ng utak. Eh sila mga host lang, kung si Tony Tuviera nga partner sa negosyo at nagpatakbo ng kumpanya nang ilang dekada noong nakakulong pa ang dating pulitikong si Romy Jalosjos, pinatalsik.
Pero gamitin man nila ang Eat Bulaga, hindi naman nila mabobola ang mga tao.
Nakailang araw na sila pero inuulan pa sila ng negative comments na sabi pa ni Senador JV Ejercito dapat pagsuotin ng name plate ang kanilang mga host dahil hindi kasi kilala ng mga tao.
Puwedeng may legal hold ang Tape Inc. sa title dahil naiparehistro nilang una. Pero morally alam nilang hindi sa kanila iyon.
Bilang mga pulitiko, mahirap silang maging kontrabida sa mata ng publiko. At iyan ang nangyayari ngayon. Kung iipitin pa nila ang title ng Eat Bulaga, tiyak na magiging nega ang imahe nila lalo na kung totoong nag-aambisyong tumakbo sa mas mataas na posisyon si Bullet Jalosjos na ngayon ay isang mayor.
Samantala, naghahanda na raw ang TV5 para sa bago nilang noontime show. Initially a studios ng TV5 sa Reliance, Mandaluyong City, muna sila.
Dinadagsa ng tao ang kanilang programa kaya parang maliit ‘yun.
Retained daw ang original director at writers ng Eat Bulaga sa bagong show ng TVJ.
Usapan din noong isang araw sa advertising agencies, kinakambiyo na nila ang kanilang advertising budget para ilagay sa original na Eat Bulaga, aalis na sila sa fake.
At kung mangyayari iyan, papaano pa sila makakabayad ng blocktime sa Channel 7?
At nakita namin iyong video interview ni Alden Richards, kung saan talagang diretsahan niyang sinabi na malaki ang utang na loob niya sa TVJ at parang pamilya na niya ang Dabarkds.
Ganoon din ang sinabi ni Sam YG kung saan nakita rin si Alden. Pati pala si Pia Guanio tumanggi rin sa offer. Si Michael V., dati rin iyan sa Eat Bulaga, pero siguro alukin mo man ng milyong talent fee hindi rin iyan kakagat, hindi lang dahil sa samahan nila ng TVJ, mahirap maging host sa isang show na sa simula pa lang ay alam mong talunan na.
May mali ang GMA 7 kung tutuusin dahil ni-retain nila ang Tape Inc., at hinayaan nilang mawala sa kanila ng TVJ.
Sana ay tumulong silang plantsahin kung anumang problema ng TAPE at TVJ kahit sabihing labas sila sa usapan.
Ngayon tiyak mababawasan ng commercial oras at bababa ang ratings na dala ang GMA 7.
Hindi naman daw pumalag ang It’s Showtime kung anong oras man sila ilabas ng TV5. May nagsasabing baka sa kanila ibigay ang oras ng LOL, may nagsasabi namang ilalagay sila sa delayed telecast bago ang news program na Frontline.
Abangan natin ang mga susunod na pangyayari.
- Latest