P29 milyong marijuana galing Canada, nasabat

MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa P29 milyon halaga ng marijuana at kush oil ang natuklasan ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Customs Intelligence and Investigation Service (BOC-CIIS) na itinago sa loob ng dalawang balikbayan box na dumating sa Manila International Container Port (MICP) galing Canada. Ang dalawang balikbayan boxes, ay idineklarang naglalaman ng used household goods at personal effects, at naka-consign sa address sa General Trias, Cavite.
Mariing kinondena ni BOC Commissioner Bien Rubio ang modus ng mga smuggler ng illegal drugs at paggamit sa balikbayan boxes dahil bahagi na halos ng kultura ng mga Filipino abroad sa pagpapakita ng pagmamahal sa kanilang mga kaanak.
Ayon kay CIIS Director Verne Enciso, sumailalim sa 100% physical examination ang dalawang balikbayan box sa Designated Examination Area (DEA) ng MICP matapos silang makatanggap ng derogatory information sa dalawang kargamento. Ang unang kahon ay natuklasang naglalaman ng 20 vacuum-sealed plastic pouches, na mayroong 9,809 grams ng kush at isang litro ng liquid substance.
Habang ang ikalawang box naman ay mayroong 23 vacuum-sealed plastic pouches na may lamang 11,181 grams ng kush.
Ayon kay Enciso, sa kabuuan ang 43 vacuum-sealed plastic pouches ng kush at isang litro ng liquid substance na may kabuuang street value na P29,386,000.
Naipadala na sa PDEA ang samples ng mga nakuha sa kahon para maisailalim sa confirmatory testing. Dahil sa pagkakatuklas ng nasabing kargamento, ipinunto ni Customs Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy ang kahalagahan ng border security mission ng ahensya.
Ang mga consignee, sender, at recipient ng shipment ay ipaghaharap ng reklamong paglabag sa Section 118 at Section 1400 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
- Latest