Boses ng taumbayan: Halos 80% miyembro ng Kamara pabor sa VP Sara impeachment
![Boses ng taumbayan: Halos 80% miyembro ng Kamara pabor sa VP Sara impeachment](https://media.philstar.com/photos/2025/02/09/2_2025-02-09_23-29-11.jpg)
MANILA, Philippines — Isa umanong napakalakas at malinaw na mandato mula sa taumbayan ang paglagda ng 215 kongresista, na nadagdagan pa ng 25, sa impeachment complaint ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Surigao Del. Norte 2nd District Congressman Robert “Ace” Barbers, ang halos 80 porsyento ng Kamara na pumirma sa impeachment ay isang super majority—o higit pa sa requirement ng Konstitusyon na one-third ng mga miyembro ng Kamara upang maidirekta sa Senado ang reklamo at hindi na kailanganin pang dumaan sa House Committee on Justice.
Dahil ang mga miyembro ng Kamara ay inihalal upang ipahayag ang tinig ng kanilang mga constituents, iginiit ni Barbers na ang napakalaking suportang ito para sa impeachment ay isang malinaw na pagsasalamin ng saloobin ng sambayanang Pilipino.
Ipinunto pa ni Barbers na ito ay isa sa pinakamalakas na impeachment complaints sa kasaysayan, kung saan ang mga lumagda na ay mula sa iba’t ibang political party—patunay na hindi ito isyung pampartido, kundi isang pananagutang dapat gampanan.
Dahil ang impeachment complaint ay nakakalap ng lagpas pa sa kinakailangang boto, binigyang-diin ni Barbers na ang proseso ay nagkaroon na ng sariling buhay at hindi na maaaring pigilan.
Pinabulaanan naman ni Barbers na may namuwersa sa mga mambabatas sa Kamara para suportahan ang reklamo.
“Kapag 215 ang pumirma, at may 25 pang gustong sumali, hindi mo na puwedeng sabihing pinilit lang o minanipula. Ito ay tunay na panawagan ng Kongreso, na nagmula mismo sa ating mga kababayan,” paglilinaw pa ni Barbers.
- Latest