‘Rice-for-All’ ibabagsak presyo sa P38-P39
MANILA, Philippines — Ibababa pa ng Department of Agriculture (DA) ang presyo ng bigas na ibinibenta sa “Rice-for-All” Program ngayong buwan.
Ayon kay DA Assistant Secretary and spokesperson Arnel de Mesa, mula sa kasalukuyang P40 kada kilo na bigas sa piling Kadiwa locations sa Metro Manila, gagawin na itong P38 hanggang P39 kada kilo.
“Nagsimula tayo diyan, nagbenta tayo ng P45 per kilo naibaba iyan sa P43.00 at P42.00 at nito nga bago matapos ang taong 2024 ay naibaba pa iyan sa P40.00 per kilo,” pahayag ni De Mesa.
“At ngayong taon na ito, this January ay ilulunsad naman, mas mababa pa ang presyo – between P38.00 to P39.00,[per kilo],” dagdag ng opisyal.
Una nang sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na tumatalab na ang “Rice-for-All” program dahil bumaba na rin ang presyo ng bigas sa merkado.
Bukod sa murang presyo sa well-milled rice target na rin ng DA na magbenta ng ibang variety ng bigas sa murang halaga.
Ayon kay De Mesa ito ay dahil sa ilulunsad na rin ng DA ang “Sulit Rice” at “Nutri Rice” programs sa Metro Manila.
Magbebenta aniya ang DA ng 100% broken” na bigas sa halagang P35 hanggang P36 kada kilo sa ilalim “Sulit Rice” initiative, habang ang healthier brown rice ay nasa P37 hanggang P38 kada kilo sa ilalim ng “Nutri Rice” program.
- Latest