Mayang (61)
“JEFF! Jeff! Lumabas ka na diyan! Anong ginagawa mo riyan?” tanong ni Puri makaraang katukin ang pinto.
Sa loob ng banyo ay nakikiramdam si Jeff. Hindi niya sinagot ang tawag ni Puri. Kailangang bago sila lumabas ay nakaabang na ang mga pulis sa labas. Sa tantiya niya ay wala pa ang mga pulis—baka on the way pa lamang ang mga ito.
“Jeff! Jeff! Lumabas ka na!’’ tawag muli ni Puri.
Pinatay ni Jeff ang gripo.
Bigla siyang nagsuka-sukahan.
“Guwaaaarkkkk! Guwaaaarkkk!’’
Sumigaw muli si Puri.
“Anong nangyayari Jeff? Lumabas ka na!’’
“Nagsusuka ako!” sigaw niya at lalong nilakasan ang kunwari ay nagsusuka. Itinodo ang kunwaring pagsusuka. “Guwaaarkkk! Guwaaarkkk!’’
Pagkatapos ay binuhay ni Jeff ang gripo. Itinodo ang bukas ng gripo.
Nagmamadali niyang tinawagan ang gurong si Mam Araceli.
“Mam, nasaan na po ang mga pulis?’’
“Nasa harap na sila ng bahay, Jeff. Katatawag lang sa akin ng inaanak kong hepe ng police station. Hindi na ako sumama sa kanila dahil mahina ang katawan. Sabi ng inaanak ko, delikado para sa akin na sumama para ituro ang kinaroroonan mo. Alam daw nila ang bahay dahil noon pa raw ay may nagsumbong na sa kanila na may illegal na ginagawa diyan. Ibinigay ko na ang pangalan ng dalawang suspect. Nandiyan na sila. Mag-ingat ka Jeff!’’
“Maraming salamat Mam. Nabuhayan po ako ng loob sa sinabi mo na narito na ang mga pulis.’’
“Oo nakahanda na silang arestuhin ang dalawa.”
“Sige po Mam.’’
Hindi pa naisasara ni Jeff ang cell phone niya nang biglang sipain ni Henry ang pinto. Sa lakas ng pagsipa, nawasak ang pinto. Humiwalay ang seradura. Nagtalsikan ang mga piraso ng pinto.
Ipinagpatuloy ni Jeff ang pag-arte na kunwari ay nagsusuka.
Pero parang nakahalata na si Henry. Tinutukan siya ng baril sa ulo.
“Nilalansi mo kami ano? Nagsusuka-sukahan ka ano?’’ sabi ni Henry.
“Nagsusuka ako!”
“Sinong lolokohin mo!’’ sabay palo ng baril sa ulo ni Jeff.
Nakailag si Jeff.
Umawat si Puri.
“Tumigil ka Henry. Baka mabulilyaso tayo.’’
“Papatayin ko ang kumag na ‘yan!’’
(Itutuloy)
- Latest