Trike driver suspek sa pagpatay kay Mervin Guarte
MANILA, Philippines — Idineklara ng Calapan City Police na suspek ang isang tricycle driver na unang natukoy na person of interest sa pagpatay sa South East Asian (SEA) Games gold medalist na si Mervin Guarte,32-anyos at personal na away ang tinitingnan ng pulisya na motibo sa krimen.
Nauna nang inihayag ng pulisya sa nakuha nila sa CCTV na kilala na nila ang suspek na posibleng may matagal nang galit kay Guarte, na sinaksak sa dibdib habang natutulog.
“Ang nakikita po namin baka may matagal nang kinikimkim na galit itong suspek. Siguro, tinimingan [timing] kaya nang makakita siya ng pagkakataon doon niya ginawa yung krimen,” dagdag ng opisyal.
Magugunita na alas-4:30 ng madaling araw noong Martes ay natutulog si Guarte,sa bahay ng kaibigang kagawad nang saksakin siya sa dibdib.
Nagawa pang makahingi ng tulong ng biktima pero binawian din ng buhay kinalaunan.Inihahanda na ng pulisya ang kasong murder laban sa suspek.
Si Guarte ay nagwagi ng gintong medalya sa 32nd SEA Games sa Cambodia para sa four-man relay team sa obstacle course racing.Nakakuha rin ito ng gold medal sa 2019 SEA Games sa men’s 5km ng OCR, at dalawang silver medal sa 2011 edition para sa 800m at 1500m track events.
- Latest