Knicks dumalawa sa Wizards
WASHINGTON — Nagkuwintas si Josh Hart ng 23 points, 15 rebounds at 10 assists para sa kanyang ikatlong triple-double sa season para tulungan ang New York Knicks sa 126-106 pagrapido sa Wizards.
Humakot si center Karl-Anthony Towns ng 32 points at 13 rebounds para sa pang-walong sunod na arangkada ng New York (23-10).
Nauna na nilang tina-kasan ang Washington (5-25) sa overtime, 136-132, sa likod ng 55 points ni Jalen Brunson.
Pinamunuan ni Jonas Valanciunas ang Wizards sa kanyang season high 22 points habang may tig-18 markers sina Alex Sarr at Malcolm Brogdon.
Ito ang ikalawang sunod na naglaro ang home team na wala si leading scorer Jordan Poole na may bruised left hip, samantalang nagbalik sa aksyon si Kyle Kuzma matapos mawala sa 12 games dahil sa isang strained left rib.
Nagsalpak si OG Anunoby ng dalawang three-pointers para basagin ang 63-63 pagkakatabla sa siyam na minuto sa third quarter diretso sa kanilang panalo.
Sa Charlotte, tumipa si Coby White ng 23 points, 10 rebounds at 9 assists at nagtala si Torrey Craig ng 18 markers tampok ang limang 3-pointers sa 115-108 overtime win ng Chicago Bulls (15-18) sa Hornets (7-25).
Sa New Orleans, nagbagsak si Norman Powell ng 35 points habang kumonekta si James Harden ng dalawang free throws sa huling 17.9 segundo sa 116-113 pagtakas ng Los Angeles Clippers (19-13) sa Pelicans (5-28).
Sa Salt Lake City, nagposte si Nikola Jokic ng triple-double na 36 points, 23 rebounds at 11 assists sa 132-121 pagpapatumba ng Denver Nuggets (18-13) sa Utah Jazz (7-24).
Nagposte rin si Russell Westbrook ng triple-double sa kanyang tinapos na 16 points, 10 rebounds at 10 assists para sa Nuggets (18-13).
Sa kabuuan ay nagtala ang tropa ni Jokic ng 38 assists.
- Latest