Pag-amin ni Duterte swak sa ‘crimes against humanity’
MANILA, Philippines — Dapat managot sa ‘crimes against humanity’ si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos akuin ang buong responsibilidad sa madugong giyera kontra droga ng kanyang administrasyon.
Ayon kay House Quad Comm Co-chair Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., sa ilalim ng Republic Act No. (RA) 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, pasok si Duterte sa elemento ng command responsibility para sa “crimes against humanity”.
“When a leader knowingly permits the slaughter of civilians under his watch, and when he admits that he bears responsibility, it is an inescapable truth: he is criminally liable,” giit ni Abante.
Sa kanyang pagharap sa Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes, inako ni Duterte ang legal na pananagutan sa mga ginawa ng mga pulis kaugnay ng kanyang war on drugs na ikinasawi ng marami.
Sa ilalim ng Section 10 ng RA 9851 ay nakasaad ang prinsipyo ng command responsibility kung saan pinapanagot ang opisyal sa mga nagawa ng kanyang mga tauhan.
Ayon pa kay Abante, pasok din ang mga naging pagpatay sa drug war sa crime against humanity batay sa RA 9851.
Bukod dito, ayon pa sa solon ay may pinairal na Davao model o sistema sa drug war kung saan bawat mapapatay na suspects ay may kapalit na reward.
Sinabi ni Abante na magagamit din ng International Criminal Court (ICC) ang mga naging pahayag ni Duterte sa pagdinig ng Senado, kung saan nanumpa ito na magsasabi ng totoo.
- Latest